KOMENTARYO: Imahe ng isang bayani: Si Manny Pacquiao sa kulturang Pilipino
Kung titingnan ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa lente ng kulturang Pilipino, bakit kaya siya isang icon at mahal ng mga Pilipino?
Sa aking pakikipag-usap sa historyador at propesor ng Araling Filipino na si Mary Jane Rodriguez-Tatel, aming napag-usapan na si Manny Pacquiao ay tumtugma sa template o hulma ng isang sinaunang warrior o bayani ng bayan.
Matatandaan na noong unang panahon, bago pa lamang dumating ang mga Espanyol, ang mga bida sa epiko ay tinatawag na bayani.
Inipon ng historyador na si Zeus Salazar sa buong bansa ang mga kaugnay na salita at konsepto at sa kanyang pagsusuma ang diwa ng mga kahulugan ng bayani ay, “isang nagkukusang makipagtulungan nang walang anumang bayad sa mga gawaing pangkomunidad.”
Nagmula ito sa salitang Austronesian na “wani” na ang kahulugan at pagtulong at malasakit. Kaya nga ang empleyado ng pamahalaan ay tinatawag na kawani.
Ayon kay Salazar, “Ang bayani ay nakapaloob sa kanyang sariling grupo at nakatuon lamang at tangi sa pagpapaibayo ng interes ng grupo. Nakabatay ang kanyang kilos sa ugaling bayan, kung saan mas pinahahalagahan ang pagpapakita ng kababaang-loob at ang pagiging katulad lamang ng ibang kasama.”
Kaugnay ng salitang bayani ang konsepto ng mandirigma sa Kabisayaan, ang mga bagani, na sa ibang salita ay hangaway, mangangayaw o ang mga tinawag ng mga Espanyol na “pintados.”
Ayon sa historyador na si Vicente Villan, lumalaban ang mga hangaway sa mga kalaban upang pangalagaan ang buhay, ginhawa at dangal ng bayan. Nagsisikap na sanayin ang sarili sa digmaan, nagiging bihasa. Tutungo sa ibang bayan, mangangayaw o kakayaw—pupugutin ang ulo ng mga kalabang mandirigma upang makuha nila ang gahum o kapangyarihan ng mga ito, at iuuwi ang mga kagamitang nakuha sa bayan upang magbigay ng ginhawa, at sa kanilang pagwawagi nagbibigay sila ng dangal sa bayan.
Ang mga bayani ng epiko ay makikitaan din ng kakaibang "charm" sa kababaihan.
Kung titingnan ang mga mandirigmang ito, mayroon din silang aspektong espirituwal, mayroon silang mga anting-anting at naniniwala silang ang kanilang kapangyarihan ay nagmumula sa Bathala.
Maging ang kanilang mga tattoo ay anting-anting. Ang mga maestro ng eskrima sa Cebu ay kilala rin bilang manggagamot at espirituwal na mga tao. Ang kanilang lakas ay nagmumula sa kalinisan ng kanilang budhi na nagpapatibay din ng kanilang loob.
Ayon kay Villan, kung titingnan ang ginagawa ng mga Overseas Filipino Workers, ganoon din; tumutungo sa ibang bansa, nagsasakripisyo, nakikipagsapalaran sa laban ng buhay, at nag-uuwi ng ginhawa sa bayan.
Ganoon din para sa akin si Manny Pacquiao, na ang pangalan ay katunog ng salitang pinagmulan ng pangangayaw—pakayaw o ang pamumugot ng ulo sa pakikidigma, tunay na mula sa bayan.
Mula sa kahirapan ng kabundukan sa Mindanao, kung minsan walang makain, ginawa niya ang sarili na pinakamahusay na boksingero sa daigdig.
Tumutungo sa ibang bansa upang maging assassin sa boxing ng mga Mehikano at iba pang mga lahi.
Malaking sakripisyo na itaya ang sariling buhay para bigyang dangal ang isang bayang gutom dito.
Naging lapitin siya noon sa mga kababaihan. At dahil sa kanyang mabuting intensyon, pumasok sa pulitika upang magbigay ng kaginhawahan sa mga kababayan tulad ng isang panlalawigang ospital para sa Saranggani.
Minsan sinabi ni Prop. Rodriguez-Tatel sa akin, ang kulang na lang kay Manny ay maging spiritual leader. Aba! Biglang naging born again at naging Bible Ambassador, at tila siya’y naging isang pastor na nagbabalita ng pagbabagong natamo dahil sa pagmamahal at biyaya ng ating Panginoong Hesukristo.
Sinasabing iniwan na niya ang masamang mga bisyo at pambabae. Sinasabi niyang ang tibay ng kanyang loob ay nagmumula sa kapayapaan ng Panginoon na ibinigay sa kanyang puso.
Sa kanyang asta, nanatiling mababa ang loob at kasama ng bayan.
Hindi perpekto si Manny, ngunit lagi siyang umaahon sa bawat pagdapa, tulad ng ating mga bayani, na hindi mga santo, ngunit tumindig para sa bayan.
Sa darating na linggo, si Manny Pacquiao ay makikibaka para sa pinakaaabangang laban ng kanyang buhay sa hindi pa natatalong si Floyd Mayweather, Jr.
Muli sa bawat bagsak ng suntok sa kanya, milyong-milyong Pilipino ang aaray. Sa bawat suntok niya sa kalaban, dala ng kanyang mga kamay ang aspirasyon ng bayan.
Sa bawat buwis-buhay na laban, dala niya ang Pilipino at lumalaban siya para sa atin, at gayundin, dala-dala rin natin siya sa ating damdamin at mga panalangin, dahil siya ay nasa ating kultura at pagkatao—ang bayaning nagbibigay sa atin ng dangal at pagkakaisa bilang isang boksingero.
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.