Kodak, Jockey, Walker, etc.
Minsan, naisipan kong tanungin ang kaibigan kong photographer ng rush ID na si Mang Domeng kung anu-ano ba ang tawag o ginagamit na salita ng mga nagpapakuha ng letrato. Siyempre andyan ang magpapa-kodak, magpapakuha, magpapaletrato (sa amin sa Bikol ay retrato, na mas hawig yata sa tawag nito sa Espanyol). Meron ding magpapa-shot at magpapaklik. Pero ito ang paborito ko -- minsan daw ay may isang barkada ng mga dalaga na pumasok sa kanilang studio, at ang sabi ng isa, âManong, pwedeng magpa-pindot?â Ano na nga kaya ang mas ginagamit ngayong panahon ng digital camera sa cellphone? Marami na siguro ang pagbabago sa ngayon. Baka ang salitang kodakan o magpakodak ay mabago na rin. Nagbago na ang photography. Ang bilis nang naglalaho ng film at mga dating kamera. Parang hindi ko na gaanong naririnig ang salitang kodak kapag nagkokodakan. Ang salitang kodak mismo ay inimbento lang ni George Eastman noong ipauso niya ang photography para sa masa. Paborito daw ni Eastman ang letrang K dahil iba raw ang dating nito (at dahil na rin siguro sa ang apelyido ng nanay niya ay nagsisimula sa letrang K.) Bukod sa pag-imbento ng paraan para makakuha ng letrato ang karaniwang tao, pinag-isipan din ni Eastman kung ano ang magandang pangalan ng kanyang produktong box camera at film. Sabi ni Eastnman: : "I devised the name myself. The letter "K" had been a favorite with me -- it seems a strong, incisive sort of letter. It became a question of trying out a great number of combinations of letters that made words starting and ending with 'K.' The word 'Kodak' is the result." Sinabi rin niya na may 3 prinsipyo sa paglikha ng pangalan ng brand: Dapat maiksi, madaling bigkasin, at hindi magmumukha o mapagkakamalang kung anupaman maliban sa Kodak mismo. Dahil siguro maganda ang produkto, maiksi at madaaing bigkasin ang pangalan, ito na ang tuluyang naging ugat na salita o root word pagdating sa photography dito sa ating bayan . Katulad din ng kolgeyt. Ano nga ba sa Tagalog ang toothpaste? Mas prominente ang tatak na Colgate sa kahon nito at mas madaling bigkasin kaysa toothpaste. Ano nga ba sa Ilokano ang photocopy? Eh di seroks din. O minsan ay serok lang. Kahit pa magalit ang mga titser sa balarila, hindi niya mapipigilan ang mga tao na gamitin ang mga salitang mas madaling gamitin at naiintindihan naman ng karamihan. Hindi lang naman ito sa atin nangyayari. Kung tutuusin, mas malala pa ito sa Ingles na 80 porsyento o higit pa sa mga salita ng wikang ito sa ngayon ay hiniram (at hindi na sinoli) mula sa ibaâtibang wika sa buong mundo. Kasama na dyan ang ilang salita mula sa Pilipinas, katulad ng manila envelope, boondocks. Madalas ay nababago ang ispeling, ang bigkas, at pati ang ibig sabihin. Marami ring pagkakataon na ang isang brand o tatak ng produkto ay siya na ring nagiging generic na tawag sa bagay, katulad ng zipper. Noong walang pang produktong zipper, wala namang salitang zipper. Merong lang salitang zip. Noong 1891, naimbento ang isang produktong tinawag na Clasp Locker. Ito na siguro ang masasabing pinagmulan ng zipper. Pero maraming pabago-bagong disenyo, palipat-lipat na pabrika at pagkalugi ng mga gumagawa nito bago nabuo ni Gideon Sundback, isang immigrant mula Sweden, ang modernong zipper. Nagsimulang magtrabaho si Sundback sa Automatic Hook and Eye Company sa Hoboken noong pang 1906. Pagdating ng 1913, nakagawa na siya ng tinawag nilang âHookless Fastener No. 1â. Pero ang daling masira nito kaya hindi naging commercial success. Nang sumunod na taon, 1914, nabuo niya ang âHookless Fastener No. 2â na wala nang pinagkaiba sa modernong zipper. Pero hindi agad ito tinawag na zipper hanggang sa gamitin itong tatak ng isang klase ng rubber overshoes ng B.F. Goodrich Company noong 1923 dahil ang kanilang produkto na ito ay gumagamit ng âHookless Fastener No.2â. Pero, sino ba namang karaniwang tao ang matutuwang tatawagin ang zipper na hookless fastener number 2? Sa mga sumunod na taon, lumawak na ang gamit ng produkto at zipper na ang naging tawag dito. Noong bata pa ako, sa Bikol, ang tawag namin sa kotse ay berlina. Ang bola ng tennis ay ispalding. At, ito ang ginagamit namin sa larong beysbol, na walang gloves, at ang bat ay isang makinis na piraso ng panggatong na kahoy. Ang tawag naman namin sa rubber shoes ay tenis. Halatang galing sa tennis shoes. Nang makarating na ako sa Maynila, siyempre kailangan ko nang matuto ng Tagalog at kailangan ko na ring palitan ang tawag sa brief. Ang tawag kasi namin sa brief ay woker (Walker), pero, sa Tagalog pala, ang brief ay dyaki! (Jockey)! Teka, may nakalimutan ako. Sabi sa isang wikipedia article, noon daw 1920s at 30s, nagagalit ang mga pari sa produktong zipper dahil sobra daw nitong pinadadali ang paghubad ng damit, tuloy mabilis na nagagawa ang bawal na pag-ibig!