Filtered By: Opinion
Opinion

Sining katutubo


Kapos na ang konseptong ripleksyon ng buhay ang sining. Sa pamamagitan ng karanasan, malikhaing proseso sa isip?komposisyon ng mga pigurang representasyon ng paksa depende sa vision, magpapasya ang artist para piliin ang medium: oil, acrylic, watercolor, pastel, ink, mixed media; materyales: kambas, papel, kahoy, tiles, pader, etc; brush; paleta, pen, saka siya aaksyon para iguhit ang obra. Halimbawa, still life ng pandisal at palaman ang nalikha, kapag isinabit ito sa tapat ng hapag kainan, bukod sa imahe o hulagway lang ito ng pinaggayahang tunay na pandisal, nagiging inspirasyon din ito ng pagsisikap para may pagkain lagi sa hapag. Kung sa patalastas naman ipinapakana, naiimpluwensyahan ang pag-iisip at disisyon ng mga konsumer sa kung ano ang brand na bibilhin. Mula sa pagiging laman-tiyan, simbolo ng sigasig, naging propaganda pa ng produkto sa kumpitisyon ng mga negosyante ang sining. Ganyan din ang proseso ng paglikha at bisa ng mga obra ni Boy Dominguez. Pero inihapag niya mismo ang kwestyon sa motibo ng paglikha para kilanlin ang tunay na brilyo ng isang obra. Entrepreneurship. Kapit-bisig ng mga sub-sector ng produksyon sa pagtatanim: ng palay, bawang, sibuyas, mangga, pag-aalaga ng livestock sa agrikultura; dressmaking, paggawa ng tsinelas sa manufacturing; at microfinancing para tustusan ang mga aktibidad na magpapaunlad sa lokal na ekonomya. Ito ang tema ng bagong mural ni Boy D. Ipapahiyas o idi-display ito sa isang rural bank ng isang probinsya sa Gitnang Luzon. Si Boy D ay anak ng isang singkwenta prosyento at apo ng purong Mandaya, isang tribu sa Davao Oriental. Musika ang una niyang nakahiligan kaysa sining biswal. Mga likha nila Bob, Dylan, Neil Young at Cat Stevens ang nakaengganyo sa kanya sa pagtugtog ng gitara. Samantala, si Adlao, isang local artisan na tagagawa ng mga billboard ng sine doon ang nakaakay sa kanya sa daigdig ng mga kulay. Posters ng tatlong musikero ang mga unang ineksperimento niya sa blueprinting. Mula sa tradisyon ng mga ninuno niya sa paggamit ng primary colors: pula, asul, dilaw at berde; naitakda ang pagsasanay ni Boy D. Ang mga tiningala pa niya ay mga likha nina Fernando Amorsolo, maestro ng romantisismo sa panahon ng realismo at Alfredo Liongoren, sa pagitan ng modernismo at social realism.
Noong 1975-1981 nagkaroon siya ng pagkakataon na maging volunteer artist sa PANAMIN, institusyong itinatag ni pinatalsik na Presidente Ferdinand Marcos, saklaw nito ang ancestral domain ng mga katutubo. Dito na-expose si Boy D sa ibaibang tribu sa Visayas at Luzon. Napansin niya sa “sining” ng bawat tribu sa buong bansa, na pare-pareho ang pagkukulay, symmetrical at linear ang lay-out. Kasagsagan ng kasikatan nang magpaalam si Cats Stevens sa larangan ng musika noong 1976. Mula Katoliko, nagbalik-Islam at nagpabinyag ng pangalang Yusuf Islam. Dumalang din ang panahon ng ensayo sa gitara at pagtatanghal sa tambayan ni Boy D. Nang ikasal, ang simbuyo o passion ay tuluyan niyang ibinaling sa sining biswal. Para mapalawig pa ang kakayahan at oportunidad, nag-enrol siya ng Visual Communication sa College of Fine Arts, University of the Philippines. Thesis at ilang units pa ang kulang para naabot sana ang diploma sa graduation. Ganumpaman, kumbaga sa paglikha, sa ganitong paraan niya nailinya ang paghugis ng regular na pagkakakitaan. Pagkatapos ng panahon sa unibersidad, sa labas ng advertising agency ang mga naging proyekto niya. Kabaligtaran sa takda ng galaw ng career na inaasahan dapat sa mga artist na may background ng VisComm. Napasama siya sa group exhibits at nagkaroon ng solo. Ang buhaghag na mga impluwensya ng mga maestro ay nagpasigasig sa pagsiksik ng kinagisnang katutubong istilo. Dumagsa ang mga kliyente niya sa lay-outing, komiks, poster and book cover designs, art direction habang tini-timplatimpla ang liwanag at dilim ng pagpapamilya, sa paleta ng buhay—mga nangyayari sa ekonomya at pulitika ng bansa. Kumpa’no napatingkad ang panahong hindi niya nagugol sa thesis at ahensya ay ganito ang kanyang nasabi,
“Kasi after Fine Arts-UP, feeling ko matanda na ako for corporate employment. Saka, mas type ko na talaga, Non-Governmental Organization at People’s Organizations works at that time,” paliwanag ni Boy D sa aksentong bisaya. Karamihan ay sectoral issues at campaigns ng mga negosyante, propesyunal, kababaihan at kabataan, manggagawa-OFWs, magsasaka-mangingisda at katutubong may malasakit sa bansa ang mga patrabaho sa kanya. May mangilan-ilan ding galing ahensya at gobyerno. Ang pagkakalugar ng perspective ng komposisyon at mga pigurang representasyon ng mga isyu, post card o mural man ang sukat ng espasyo, ay dumadaan muna sa reading materials at pakikipagtalakayan sa mga kliyente. Ganitong proseso ang nagpalinaw sa mga isyung hinahalawan niya ng likha. Basehan na rin ng sariling paninindigang nagpapatingkad sa vision niya. Sa kabilang banda, sabi pa niya, ang kalakarang sinasabayan ng artists sa ahensya ay kutkutan ng “moral obligations”. Gawin ang konseptong lalampaso sa patok na patalastas ng produkto ng kompanyang kalaban ng kasalukuyang kliyente. Kapag kalaban naman ang magpagawa, merito ito ng boss na motibo ng empleyadong artist. At sa sukdulan ay umaabot sa pagpirata ng ibang ahensya sa artist mismo depende sa mas mataas na presyo. Pero kaiba sa regular at mataas na kita ng mga artist sa ahensya, may pagkakataon na isang project officer at mga kaopisina sa NGO ang hindi magkasundo kung may sobra at sapat na badyet kaya nauwi sa TY ang TF (talent fee) ng ilang proyekto ni Boy D.
Ang ganitong insidente kung minsan ay sumasangkot ng ilang daan libong halaga. Inuobserbahan niya ito bilang breeding ground ng korupsyon. Nang tanungin ko kung paano naapektuhan ang tiwala niya sa alternatibo na serbisyong mamamayan na inaako ng komunidad ng NGO, “A, magkaiba naman ang mga personahe at prinsipyo.” Parang pagbubukod-kulay na pag-unawa niya sa kaugnayan ng mga bagaybagay. Pero dahil nakita niya sa proseso na kasama rin siya sa mga makikinabang sa mga kampanya ng karaniwang kliyente niya, madali niyang naipupwesto ang paninidigan at perspective dahil alam niya ang black and white ng mga tao, isyu at prinsipyo. “Kung corrupt ang isang tao, problema n’ya na ‘yon.” May sariling brilyo rin aniya ang mga prinsipyo, na parang mga likhang nailalantad ang pusyaw ng balatkayo at natitatanghal ang kaakibat na liyab ng totoo. Samantala, kapag nagkakasabay ang mga proyektong may-bayad at TY, dahil kailangan na parehong dapat tapusin, nadudoble ang pagod, puyat at gastos.
“Nagkakasakit ako.” Sa ganitong kondisyon, jamming sa pag-ihip ng silindro sa mga banda ang pambawi niya ng lakas. Di gaya ni Yusuf na noong 2006 lang bumalik ulit sa tugtugan. Mas marami nang narating sa abroad ang sining ni Boy D kaysa kanya: Australia, Southeast Asia, India, Spain, Netherlands, England, ang isa mga ito ay nanalo din ng 1st prize sa isang kontest sa France. Ang jazzed up na maong na isinali niya sa pakontest ng kilalang brand ng pantalon ay unang nag-1st prize noong 1991. Nasa museum na ito ng kompanya sa US. Ang konsepto ng disenyo nito ay pagbibigay-pugay sa kapangyarihan ng tanim na bulak, animism, magsasakang yabong sa agrikultura, manggagawang likha sa industriya. ‘Yan ang panukala niya sa simbolo ng maong. Ang mga imahe ng pinta, tahi, burda niyon ay parang mapa ng masikot na pag-unlad na iniinda-indayugan ng sigasig. Sining katutubo pero tunay na world class. Sakaling makaramdam ng pagod, ligalig at kabiguan, masdan ang dingding na pinagsabitan! Ang nakatanghal sa kwadro ng tunay na sining ay brilyo ng mga salaysay na humuhudyat sa mga nilikhang nagsasabuhay ng mga bagong kulay at hulagway.