ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pila


Sadsad ang paa ko para habulin ang bilang na pinakakonti at pinakamalapit sa tindera. Paglampas ko ng riles sa labas ng subdibisyon, unang bahay sa kanan ang sarisari store na nagtitinda ng bigas ng National Food Authority. Mahigit dalawampu na ang nakapila sa harap. Paliko pakanan papasok sa gate ng isa pang subdibisyon ang karugtong na napwestuhan ko. Mas mahaba. Pang kulangkulang isandaan siguro ako. Bandang alas-syete ng umaga ‘yon. Sabado. Mabilis na nadagdagan ang mga tao sa likuran ko. Mga bata, ate, kuya, nanay, tatay, manang, manong. Ang iba ay mahahalatang kahihilamos pa lang. Ang iba ay hindi. Kaswal ang bihis. Maraming nakapambahay lang. May nakahubad pang kuya. May nanay na karga ang wala pang isang taon na anak. Mayroong mga naghihintay sa gilid. Nakikipag-usap. Lahat ay naghahangad na makapag-uwi ng bigas na dilaw at buti naman ay walang print ninomang pulitiko ang plastik bag. Limang kilo lang daw ang pwedeng bilhin ng bawat isa. Madaling unawain na ang basehan ng ganitong prinsipyo ay para mas marami ang makinabang. Batay sa direksyon ng mga nakabili na, mas marami ang mga umuuwi sa riles kaysa maayusayos na kabahayan sa mga subdibisyon. Isang batang mga walong taon ang lumapit sa kuyang nasa unahan ko. Humahangos. Sinabi nito na iniuwi niya na raw ‘yong isang plastic bag na binili ng tatay ni kuya. Mayamaya, humalo sa usapan ng bata at kuya ang tatay. Ako lang yata ang nakahalatang sumingit ulit siya sa pila. Humaharurot ang mga traysikel at sasakyan nang pamenor sa main road kapag tumatapat. Nagtitinginan ang mga drayber at pasahero. Kanyakanyang usisa ang mga taong dumadagdag sa pila. Isang ate sa likuran ko ang sumabat sa usapan ng mag-aama sa harap. Mayamaya umalis ang tatay at nakiusisa sa tindahan mismo. Ibinalita niya pagbalik, na kukonti na lang ang plastic bag na nakita niya. Lumakdaw sa akin ‘yong ate. Hindi na bumalik sa likod. May umudyok na puna sa loob ko. Napalunok ako. Nagpalingalinga. Walang pamilyar na mukha akong napansin galing sa subdibisyon namin. Konti lang ang hindi nag-iimikan. Karamihan ay magkakakilala. Napalunok ulit ako at parang dumiretso sa tiyan ang lakas-loob na ipangsisita sana. Minasdan ko ang mga puno: mangga, talisay, kaimito, narra, murlberry, niyog… sa unahan ng palikong pila, sa harap ng tindahan, sa kabilang bangketa ng main road, sa lilim ng mayayabong na sanga, ay makikita ang sementado, pintado ng kulay puti at berdeng arko ng isa pang subdibisyon. Katabi ang isang covered court at magarang barangay hall. Parang umaakyat ang lakas-loob. Bumara at namilaok sa lalamunan. Gustong ibulyaw ng bibig ko sa ate na lumakdaw sa pwesto ko. Minasdan ko ulit ang mga dahon. May ilang ibon na lilipadlipad. Sa isa sa mga puno, naimadyin ko ang pugad ng maya na binuo sa mga dahon ng talahib, dayami, duklay – maliliit na sanga, balot ng kendi at hibla ng sako. Kinukwentuhan ng inahin ang inakay,

Inahin: Twit-twit-twit-twit… twit-twit! (Alam mo anak, mula riles hanggang papunta ro’n sa kalsada, sa tabi ng lawa ng Laguna, palayan dati lahat ‘yan!) Inakay: Twit… twit-twit… twit? (Ibig pong sabihin, wala dati ‘yang subdibisyon, court at barangay hall?) Inahin: Twit-twit… twit-twit-twit. (D’yan kami binubugaw ng mga magsasaka kapag tumutuka kami ng palay ng ama mo, kasabay ang langkay.) Inakay: Twit-twit-twit… twit-twit. (A, malaya po pala kayong maging masaya noon.)
Lumipad ang galit galing sa dibdib. Lumubag nang lumiko na ako sa pila. Tanaw ang pasamano ng tindahan. Bakit nga ba ako papatol sa gitgitan? Hindi naman talaga kami ang gumawa ng iringan. Galing ito sa anarkiya na inilulunsad ng korupsyon sa mga sangkot na departamento ng gabinete ng gobyerno. Kung naipatupad lang sana ang tunay na reporma sa lupa mula 1987, gaya ng mga kapitbansa natin sa Asya, baka napanatili ng Pilipinas ang pangalawang pwesto ngayon sa Japan kung kaunlaran lang ang pag-uusapan. Isama pa natin ang pagbatay sa remittances at abilidad ng 8 milyong Overseas Filipino Workers, busog sana sa alikabok natin ang mga Hapones. Isang nakabili na galing unahan ang nagsabing paubos na nga. Umabot-tenga ang ngising-usisero ng tatay. Bumaklas ulit siya sa pila at paragasang sumugod sa unahan. Pagbalik ay nagbibilang. Umabot sa likuran ko ang hintuturo niya. Nanita ang tindera. Inulit ng walong taon na bata habang kumakalas, “oy, bawal daw ang mga bata. Bulbulin lang ang pwede!” Sabay ngiting patay-mali. Di-magkamayaw ang espikulasyon ng panghihinayang. Sayang lang daw ang pagod ng pagtayo. Kung anuanong kantyaw. Inilakas ng tindera ang boses niya nang ang tatay na ang nasa unahan, “nabigyan na kita, a!” Lumayo ang sinita. Hintuturo sa labi ang sagot niya. Nagtangkang mauna sa akin ang ilan sa likod. Nang matyagan ay nagpakatao ulit silang nagsibalikan sa tamang lugar. Tatlumpiso ang sukli sa isang daang binayad. Dalawang plastik bag na lang ang natira pagkatapos ko. Nagbadya ang anarkiya na parang buriki na tumusok sa sako ng bigas. Kanyakanyang katwiran ang mga naiwan sa pila kung sino ang dapat makapag-uwi ng tira. Isang sitwasyong pambarangay. Pero palahian ng mga tiwaling pambansang upisyal. Pagpasok ko sa subdibisyon, nakasalubong ko ang isang lola na nakatungkod ang kaliwa at paralisado ang kanang kamay. Pinigil niya ako at nakiusap kung pwede raw tingnan. Kinalas ko ang buhol ng plastik. Dumakot si lola ng mga butil na tumipon sa pagitan ng mga daliri at palad. Saka inamoy. “Hmmm… hindi luma. Mabango e.” “Hindi ho ako marunong tumingin.” Nagpasalamat si lola. Saka ibinalik sa plastik ang mga butil. Sumagi sa isip ko ang balita tungkol sa hoarding ng cartel ng rice traders. Ang paghahalo nila ng mga NFA rice at smuggled na bigas saka ibinibentang commercial. Ang hinihinalang sabwatan ng cartel at upisyales ng NFA. Ang ningas-kugon na pagsugpo ng mga awtoridad. Ang kalakarang ito ng anarkiya dahil sa katiwalian ay parang makinaryang gumigiling sa moral at pagasa ng tapat na mga kawani at mamamayan. Sa larangan ng syensya, ilang sangay nito ang nakatuklas na sa pila ng species sa animal kingdom, kumpirmadong pati ibon ay mayroon din sariling kultura. Naisasalin ng inahin sa mga inakay ang aral ng abuso ng mga taong tiwali sa ekolohiya. At kapag hindi pa kumilos ang mamamayan para kalusin ang uri ng mga pulitikong pasaway sa Pilipinas, baka hindi lang sa Asya tayo mangulelat. Siguradong mula niknik hanggang elepante sa animal kingdom ng buong daigdig ang magmumwestra sa Pinoy ng… belat!