Filtered By: Newstv
NewsTV

Whitewater rafting at nature tripping sa Tabuk, Kalinga


Ngayong Sabado sa Weekend Getaway, ang tourism students at mag-best friends forever o BFFs na sina Bea at Joan ang makakaranas ng isang pambihirang weekend sa Tabuk, Kalinga. Tinaguriang kabisera ng Kalinga ang bayan ng Tabuk. Mayaman sa taniman ng kape ang lugar,  kaya “Kape tayo!” ang nakagawiang pagbati ng mga tao sa bisita.  Isa rin sa mga pangunahing produkto nila ay palay.  At isa sa ipinagmamalaki ng mga tagarito ay ang unoy, ang bigas na itinuturing nilang sagrado.  Kaya naman sa unang sabak pa lang ng warriors, titikim na agad sila ng champorado rice at chocolate cake na gawa sa unoy. Matapos ang almusal, bibisitahin ng BFFs ang sub-tribe sa Naneng Heritage Village. Dito, enjoy na enjoy na susukatin ng dalawa ang mga tradisyunal na kasuotan ng tribo.  Titikman din nila ang Inandila, isang rice-based delicacy na mala-dila ang hugis. Sisilipin din nila ang Tabuk Mini-Museum kung saan maingat na pinangagalagaan ang mga artifacts, musical instruments at mga kakaibang produkto ng Kalinga. Matapos ang kanilang cultural immersion, environmental exploration naman ang gagawin ng magkaibigan sa Ryan’s Farm.  Dito, organic farming, fish culture at vermi-composting ang mga pangunahing proyekto. Sasaglit din sila sa isang Bugnay Berry Farm kung saan sila mangunguha ng mga bugnay na ginagawa palang alak!  At para sa isang exciting na pagtatapos ng kanilang pamamasyal, whitewater rafting naman ang pagkaka-abalahan nila sa Chico River. At para masungkit ng BFF warriors ang kanilang reward na  twenty thousand pesos worth of clothing apparel, kailangan nilang makumpleto ang kanilang tatlong travel missions.  Sa Travel Mission #1:  Warriors vs. Time, kailangang lumambitin paibaba ng  Canao Bridge ang magkaibigan sa loob ng sampung minuto.  Sa Travel Mission #2:  Warriors vs. Expert naman, kailangan nilang talunin ang local eating champion sa pag-ubos ng dalawang local delicacies ng Kalinga, ang Binungor at Pinikpikan. At para sa huling travel mission, Warriors vs. Expert, kailangang mamitas ng mga bunga ng Bugnay ang warriors atsaka pipigain ito hanggang makapuno ng dalawang litro ng Bugnay juice. Kayanin kaya ng BFFs ang travel missions na ito? Alamin sa mas pinabonggang pasyalan at mas pinatinding travel missions ng Weekend Getaway, Sabado,  4:30PM sa GMA News TV.

Tags: plug