Weekend Getaway goes to Digos City!
Puno ng tawanan ang Weekend Getaway natin ngayong Biyernes dahil kasama ni Biyaherong Drew ang stand-up comedians na sina Super Pau at Power Excel na siyang ‘weekend warriors’ na magbabakasyon sa Digos City! Tinatawag na “The Gate City of the South” ang syudad ng Digos na capital ng probinsiya ng Davao del Sur. First time visitors sa Digos sina Pau at Excel at agad silang nabighani sa ganda nito. Una nilang pinuntahan ang Passig Islet na dating base ng Philippine Coast Guard na ngayon ay ipinagmamalaking resort na ng syudad. Matapos ‘makipachikahan sa mga isda’ at mag-sunbathing sa puting buhangin ng resort, diretso ang dalawa sa Sibulan River kung saan ay isang wet and wild adventure na white water tubing ang naghihintay sa kanila. Halos mabulabog ang buong probinsiya dahil sa ‘di matapos-tapos na pagtili ng dalawa!
Binisita rin nila ang Kublai Art Garden na itinayo ng sculptor at installation artist na si Kublai Millan. Nakipag-bonding din ang magkaibigan sa mga Bagobo sa Tibolo Tribal Village.
Siyempre kailangang magawa ng warriors ang kanilang tatlong travel missions: ang lumangoy sa lawa para kumuha ng dalawang lotus plant, kumain ng bituka at iba pang lamang-loob ng tuna na native delicacy sa Digos, at harapin ang hangover drop! Anong powers meron sina Super Pao at Power Excel para magawa ang mga travel mission? ‘Wag pahuli sa biyahe. Sama na sa Weekend Getaway sa Digos City ngayong Biyernes, 10PM sa GMA NewsTV.