Love story nina Isabel Granada at Arnel Cowley, tampok sa 'Wagas!'
Ngayong Sabado, muling babalikan ni Arnel Cowley, ang naiwang mister ni Isabel Granada, ang kanilang wagas na pag-ibig sa isa’t isa—mula sa matamis na simula at hanggang sa mapait nitong pagtatapos.
Kahit naging maikli, naging makulay ang pagsasama nila ni Isabel. Dahil naging pribado ang kanilang buhay bilang mag-asawa, hindi alam ng karamihan ang love story ni Arnel at ng aktres.
Maituturing na masugid na tagahanga ni Isabel si Arnel mula pa noong kabataan nila. Matapos makapanood ng pelikula ni Isabel ay pinilit ni Arnel na makilala nang personal ang young actress. Naging mag-pen pal pa nga sila dahil nakatira sa Australia noon si Arnel. Sa sulat nagsuyuan ang dalawa.
Pero gaya ng ibang nasa long distance relationship, hindi rin pinalad na magtagal ang relasyon nina Isabel at Arnel. Pareho silang nagkaroon ng ibang minahal at ng kani-kaniyang pamilya. Pareho rin silang nasawi sa pag-ibig.
Kaya matapos ang dalawampung taon, muli silang pinagtagpo ng tadhana. Love is sweeter the second time around, ‘ika nga, kaya nagpakasal ang dalawa noong 2015 nagpakasal ang dalawa. Maraming hinarap at nalampasang pagsubok sina Arnel at Isabel. Pero ang pagkawala ni Isabel ang pinakamatindi sa lahat na hanggang ngayon ay hinaharap ni Arnel, lalo pa ngayong Kapaskuhan.
Para gumanap bilang Arnel at Isabel, makakasama rin ang Kapuso stars na sina Benjamin Alvez at Kim Rodriguez. Abangan ang kuwento ng Wagas na pag-ibig ni Arnel Cowley kay Isabel Granada ngayong Sabado, 7 PM sa GMA News TV.