Filtered By: Newstv
NewsTV

Love story ng kambal tuko, tampok sa 'Wagas!'


Ipinanganak na magkadikit ang kambal na sina Jhanny at Thony. Simula pagkabata, tampulan na sila ng tuksuan.



Tawag sa kanila, “Kambal Tuko”.   Ilang beses daw silang tinangkang paghiwalayin dati pero hindi natutuloy ang operasyon dahil laging nagkakasakit ang isa, kaya naman natuto na silang mabuhay na magkadikit at magkasama sa lahat ng bagay----  pati sa pag-ibig!




Para mabuhay, dati ay laman sila ng perya.Mula sa pagtatanghal kung saan namamangha ang lahat sa magkadikit na kambal, ngayon ay naglalako naman sila ng popcorn kung saan saan. Sa kabila ng kanilang kondisyon, kumakayod at walang ibang inaasahan ang dalawa kundi ang isa’t-isa.


Magbabago ang kanilang buhay ng makilala nila si Rissa. Nabighani si Jhanny sa ganda ng bagong kapitbahay at nagsimula siyang ligawan ang biyuda.


Siyempre dahil magkadikit, damay sa lahat ng lakad si Thony. Tuwing magdi-date ang dalawa, naroon din si Thony. Tuwing magiging sweet o magkakatampuhan ang dalawa,ang kadikit na kambal ang kanilang saksi. Tutol ang mga magulang ni Rissa sa pakikipagmabutihan niya sa “KambalTuko” pero ipinaglaban nila ang kanilang pagmamahalan. Nagtanan ang dalawa. At siyempre pati sa pagtatanan, kasama na rin si Thony!


Sa ngayon, walong taon nang masayang nagsasama sina Rissa at Jhanny. Si Jhanny na rin ang tumayong ama sa unang anak ni Rissa. At sa lahat ng ito, kadikit at kasama nila ang kakambal ni Jhanny na si Thony.


Isang hindi pangkaraniwang kwento ng pag-ibig ang handog ng WAGAS tampok sina JAK ROBERTO, SEF CADAYONA at SHEENA HALILI  ngayong Sabado 7PM sa GMANEWSTV!