Filtered By: Newstv
NewsTV
Sumpa sa pamilya ng isang mag-asawa, tampok sa 'Wagas!'
Isang hindi pangkaraniwan at kahindik-hindik na kwento ang matutunghayan ngayong Sabado sa WAGAS tampok ang isang pamilya na may madilim na pinagdaanan. Tatlo sa apat nilang anak ang sunod sunod na nabaliw, at sa bandang huli… pati ang ama, tinamaan din ng tila ba isang “sumpa”!
Katuparan ng matagal ng pangarap ng mag-asawang sina Gloria (YAYO AGUILA) at Ben (ARNOLD REYES) ang pagkakaroon nila ng sarili nilang bahay at lupa sa Pampanga. Akala nila’y sinuwerte na sila sa kabila ng sabi-sabi ng matatanda na may sumpa raw ang lupang iyon. Pero hindi nagtagal, may kung anong misteryo ang bumalot sa kanilang pamilya.
Unang naging biktima ang panganay nilang si Ric (MIKOY MORALES). Sa hindi malamang dahilan bigla na lamang itong nawala sa katinuan hanggang sa kinitil niya ang sarili buhay. Halos ilang buwan lang matapos mamatay si Ric, sumunod naman si Ginalyn (ANNA LUNA). Nawala din siya sa sarili at pareho ang naging kapalaran sa kapatid. Sukdulan na ang kalbaryo nina Gloria at Ben. Halos mabaliw na rin daw ang mag-asawa matapos sunod sunod na mawala ang dalawang anak. Pero gumuho ang mundo ni Gloria nang pati ang bunsong si Lilian (BARBARA MIGUEL), sinapian din ng kung anong sumpa at pati ang kanyang asawang si Ben. Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi sumuko si Gloria. Kumapit siya sa Diyos at nanaig ang pagmamahal niya sa pamilya. Nakaligtas si Ben at Lilian, at sa ngayon kahit nabawasan man ang kanilang pamilya--- dahil sa matindi nilang pagpapahalaga sa isa’t isa, matahimik na silang namumuhay na magkakasama.
Isang all-star cast ng pinakamagagaling na mga artista ng kanilang henerasyon ang bibida sa WAGAS sa panguguna ni YAYO AGUILA, ARNOLD REYES, MIKOY MORALES, ANNA LUNA, KATE VALDEZ AT BARBARA MIGUEL ngayong Sabado 7pm sa GMANEWSTV!
More Videos
Most Popular