Matinding pagmamahal ng mga magulang, mapapanood sa 'Wagas'
Sa pagdiriwang ng ika-apat na anibersayo ng WAGAS , bibigyang buhay ng premyadong aktres na si JEAN GARCIA ang isang natatanging kwento ng pag-ibig at pamilya kasama si NEIL RYAN SESE.
Sa Nueva Ecija, mayroon daw lihim ang Pamilya Padua. Tatlo sa kanilang limang anak ay naiiba. Madalas silang kutyain na tila mga “unggoy” daw--- maliliit ang ulo, hindi pangkaraniwan ang hugis ng mukha, mailap magsalita at hindi mawari ang emosyon. Ang sabi ng ilan, sumpa raw ito. Pero napag-alaman nila na ang tawag sa kakaibang kondisyon na ito ay “Microcephaly”.
Hindi naging madali para kay Krising (JEAN GARCIA) at Bibot (NEIL RYAN SESE) na itaguyod ang pamilya. Halos isang kahig, isang tuka lamang sila sa probinsya. Hindi rin madaling itago ang kanilang mga anak sa panghuhusga ng ibang tao. Hindi lang kasi isa kundi tatlo sa kanilang mga anak ang taglay ang hindi pangkaraniwang sakit.
Lalo pang gumuho ang mundo ni Krising nang ma-stroke si Bibot. Naiwan siyang mag-isang nag-aalaga sa mga anak at mag-isang kumakayod para may makain ang mag-anak.
Pero sa awa ng Diyos, nalampasan nilang mag-asawa ang mga pagsubok. Magkahawak-kamay nilang hinarap ang mga hamon at hindi sila sumuko. Sa ngayon magkasama pa rin silang nakikibaka sa buhay sa Nueva Ecija kapiling ang kanilang mga anak--- hindi alintana ang pangungutya ng iba, dahil ang mahalaga: buo at matatag silang pamilya.
Tampok sina JEAN GARCIA at NEIL RYAN SESE isang madamdamin at may kurot sa pusong kwento ang handog ng WAGAS sa pagdiriwang ng ika-apat na anibersaryo ng programa ngayong Sabado 7PM sa GMANEWSTV!