Love story ng babaeng may kakambal na ahas, mapapanood sa 'Wagas'
AIRING DATE: JANUARY 21, 2017
“Magmamahal ka ba ng babaeng may kakambal na ahas?”
Nang ipinanganak si Conchita, sunod na lumabas daw sa sinapupunan ng kanyang ina ay isang ahas.
Pinaniniwalaang kakambal niya raw ito. Lumaking isang manggagamot si Conchita. Ang mga nakakagat ng ahas sa kanilang lugar, agad niyang nabibigyang lunas. Malapit siya sa mga ahas at ang bahay nila mismo tila bahay rin ng mga ahas. Bukod sa pagkakaroon ng kakambal na ahas, nakilala rin si Conchita dahil sa kanyang natatanging kagandahan subalit walang lalaking nagtatangkang manligaw sa kanya dahil batid ng marami ang kanyang tunay na katauhan.
Pero iba si Simplecio.
Sa gitna ng reputasyon ni Conchita, at hindi alintana ang mga ahas na namumugad sa bahay niya… umakyat ng ligaw at minahal niya ang dalaga. Hindi nagtagal nagpakasal at naging mag-asawa sila. Sa kabila ng misteryo at panganib na bumabalot sa katauhan ng asawa, tinanggap ni Simplecio ng buong buo si Conchita. Ipinamalas niya sa kanya ang wagas na pagmamahal na walang panghuhusga.
Tampok sina KATRINA HALILI at MARCO ALCARAZ...isang ekstraordinaryo at makatindig-balahibong kwento ng pag-ibig ang handog ng Wagas ngayong Sabado 7PM sa GMANEWSTV.