Filtered By: Newstv
NewsTV

Misis na ginagambala ng mga 'taong-lupa,' mapapanood sa 'Wagas'


 


Sa pagsisimula ng Disyembre, isang hindi pangkaraniwang kwentong puno ng hiwaga at mahika ang handog ng Wagas tampok sina Kris Bernal at Aaron Yanga.

Maaring isipin ng marami na tila imahinasyon lamang ang lahat pero sa panayam ng Wagas kay Dolores buo at detalyado ang kwento at tila ba kahapon lamang nangyari ang lahat.


Kwento ni Dolores, may pambihirang kakayahang manggamot ang kanyang lola noon. Naniniwala ang mga matatanda na ang pambihirang abilidad na ito ay regalo ng mahiwaga at makapangyarihang mga nilalang mula sa ibang mundo na kung tawagin nila ay ‘taong lupa’. Nang mamatay ang kanilang lola, ipinapamana ang kapangyarihan kay Dolores. Pero tinanggihan  niya ito.

Upang takasan ang lahat, lumuwas ng Maynila si Dolores at namasukan bilang kasambahay. Dito niya nakilala si Fernando.

Sa kabila ng kakaibang mga nakikita at nararamdaman ni Dolores, umalalay sa kanya si Fernando at inunawa ito. Ngunit,  ayon kay Dolores… sadyang malakas ang kapangyarihan ng mga ‘taong lupa’ at ayaw siyang tigilan hangga’t hindi siya  naisasama sa kanilang mundo.  Araw araw na hindi pinapatulog si Dolores… binangungot, sinasapian… at halos nawawala siya sa sarili.

Ang hindi alam ni Dolores, bilang kapalit isinakripisyo ng kanyang asawa ang sariling buhay makawala lamang siya sa sumpa. Nakipagkasundo si Fernando na siya na lamang ang kunin nila, imbes na si Dolores.

Kinaumagahan, nakita na lamang ni Dolores na nakabigti na ang asawa sa puno ng mangga malapit sa kanilang bahay. Ang alam ng mga tao, nagpakamatay si Fernando. Pero alam daw ni Dolores na mga taong lupa ang may kagagawan ng lahat  dahil mula raw nang araw na  mamatay  ang kanyang asawa ay wala nang gumugulo sa kanya.

Isang kakaibang kwento ng hiwaga at kababalaghan ang handog ng Wagas ngayong Sabado, 7PM sa GMANEWSTV!