Filtered by: Newstv
NewsTV

Tikbalang na sisira sa isang pamilya, tampok sa 'Wagas'


 


Ngayong buong buwan ng Oktubre, sari-saring kwento ng Wagas na Pag-ibig at Kababalaghan ang handog ng WAGAS.

“Paano kung hindi tao kundi isang nilalang mula sa kabilang daigdig ang nang-aagaw  at unti-unting pumapatay sa asawa mo? Kaya mo ba siyang ipaglaban?”

Sa isang liblib na barrio sa Quezon nakatira ang mag-asawang sina Rody at Josie. Habang naglalaba sa ilog, may makikilalang isang misteryosong nilalang si Josie. Siya raw si Jonathan, isang lalaking laging nakaputi.  Sa hindi maipaliwanag na dahilan, tila laging hinihila si Josie papuntang ilog kung saan lagi niyang nakakausap si Jonathan.  Dumating sa puntong nagdududa na si Rody. Nang sundan niya ang asawa, wala naman itong kasama pero nagsasalita mag-isa at tila may kausap.  Hindi nakikita ni Rody, pero nakikita ni Josie ang isang lalaki raw na nagiging kabayo pagdating ng gabi.



Simula noon, nag-iba ang pagkilos ni Josie at lagi siyang wala sa sarili. Nagkaroon siya ng kakaibang lakas.  Nagigising si Rody sa gitna ng gabi  at nakikitang umuungol mag-isa si Josie na tila ba sinasaktan ito. Madalas itong may pasa na korteng paa ng kabayo sa kanyang mga binti at balikat. Awang awa si Rody sa asawa.  Nang dalhin niya si Josie sa isang albularyo, malalaman nilang naengkanto raw si Josie nang isang kakaibang nilalang --- isang tikbalang.  At ang mas malala pa, nagdadalang tao raw ito at ang dinadala ‘di umano ay anak ng tikbalang.

Kung ibang lalaki, ang unang reaksyon ay pagdududahan ang asawa at  huhusgahan ito. Subalit iba si Rody. Nanaig ang pang-unawa at pagmamahal niya sa asawang kitang kita niya kung paano binago ng kakaibang nilalang na umengkanto sa kanya. Lahat ng albularyo at pagamutan sa kanilang barrio at sa iba’t ibang bayan ay dinayo nina Rody at Josie. Ilang buwan ang itinagal ng kondisyon ni Josie at habang naghihina siya, lumalakas naman ang pagpupursige ni Rody para ipagamot ang asawa.

Marahil ay nakita ng kakaibang nilalang kung gaano ka- wagas ang pag-ibig ni Rody para kay Josie. Hinding hindi hahayaan ni Rody na  maaagaw ng engkanto ang nag-iisang babaeng minahal niya. Kalaunan, unti-unting nawala ang kakaibang nilalang at sa tulong ng isang manggagamot, naagas ang sinasabing dinadala ni Josie sa kanyang sinapupunan.  Sa ngayon, tahimik ng nabubuhay ang mag-asawa sa Quezon kasama ng kanilang mga anak  at hindi na sila ginagambala  ng misteryosong nilalang na sinabing ‘tikbalang.'

Isang hindi matatawarang pagganap ang matutunghayan mula kina MERCEDES CABRAL, DION IGNACIO at JAK ROBERTO ang handog ng WAGAS ngayong Sabado 7PM sa GMANEWSTV.