Babaeng nalampasan ang pagkakaroon ng 'gigantomastia,' tampok sa 'Wagas'
Biyaya ang pagkakaroon ng malaking dibdib para sa mga babae, pero para kay Pilma tila isa itong sumpa. Isang misteryosong sakit na kung tawagin ay Gigantomastia ang dumapo sa kanya na dahilan nang hindi pangkaraniwang paglaki at pagbigat ng kanyang dibdib. Umabot ang laki sa mahigit 63 pulgada at ang bigat ng bawat dibdib ay mahigit pa sa bigat ng isang sanggol!
Nagdusa si Pilma. Kinutya ng marami. Halos maubos ang lahat ng kanilang ipinundar para lang maipagamot si Pilma. Pero sa kabila ng lahat ng kanyang kalbaryo, hindi siya iniwan ng nag-iisang lalaking minahal niya--- ang kanyang first love na si Boy.
Nagkalapit ang mga loob nila Pilma at Boy nang mabunot nila ang isa’t isa sa exchange gift. Agad niligawan ni Boy si Pilma.Pagkatapos ng anim na taon, nagpakasal sila.
Limang taong gulang ang kanilang panganay nang unang may tumubong bukol sa kaliwang dibdib ni Pilma. Pagkalipas ng isang taon ay pitong bukol naman ang tumubo sa kabila. Hanggang sa unti-unti na itong lumala at hindi na mapigilan ang paglaki. Sa kabila ng hirap na dala ng misteryosong sakit at panghuhusga ng mga tao, nanatiling matatag si Pilma dahil sa pagmamahal ng kanyang asawa.
Isang hindi malilimutang pagganap ang matutunghayan kay MERYLL SORIANO bilang Pilma at MARC ABAYA bilang Boy ngayong Sabado sa WAGAS 7PM sa GMANEWSTV.