Filtered by: Newstv
NewsTV

Ang kuwento ni Courageous Caitie, tampok sa 'Wagas'


AIRING:  APRIL 30, 2016

                                    
Pinaiyak at pinahanga ang buong mundo nang sumikat sa internet at naging laman ng mga balita si COURAGEOUS CATIE o Caitlyn Lucas ----ang batang nagpamalas ng pambihirang tatag at pananampalataya sa gitna ng malubha niyang karamdaman, isang uri ng kanser na isa sa isang milyong tao ang maaring makakuha.

 

 

Sa gitna ng bawat tusok at turok sa murang katawan ni Catie habang pinagdaraanan ang masusing gamutan----hindi binitawan ng kanyang mommy at daddy ang kanyang mga kamay.  Higit sa anumang uri ng medisina, ang pagmamahal nina Feliz at Jayjay Lucas ang nagpatatag at nagpaginhawa sa mahinang mga daing ng kanilang panganay. Ang kanilang dasal at pananampalataya ang nagturo kay Catie upang ngumiti at magpasalamat sa Diyos sa kabila ng matinding pagsubok.

 

 

Pinagbuklod ng wagas na pag-ibig sina Feliz at Jayjay Lucas. Isang bubbly at sweet na wedding stylist si Feliz habang isang masipag na photographer naman si Jayjay. Labis ang saya ng mag-asawa sa pagdating ng kanilang “little princess” na si Catie. Halos hindi nga raw nila ito padapuan sa lamok. Bawat galaw ay nakalitrato o naka-video. At mula sa isang pantal na napansin nila isang araw… hindi sukat akalain ng mag-asawa na hahantong ito sa isang malubhang karamdaman.

 

 

Milyun-milyong tao ang nag-post, nag-like at nagbigay ng tulong nang buuin nina Feliz at Jayjay ang COURAGEOUS CATIE page sa Facebook.  Halos buong mundo ay humanga sa hindi matatawarang katatagan ng pamilya.  
Noong March 31, 2016 tuluyang binawian ng buhay si Catie.

 

                                             

Ipapakita ng Wagas ngayong Sabado ang isang pambihirang mukha ng pag-ibig.       Ang pag-ibig na hindi natitinag sa gitna ng pinakamabigat na unos ng buhay. Ang pag-ibig ng mga magulang sa anak na kailanman ay hindi sumusuko bagkus ay lalo pang pinupuno ng pag-asa at pananampalataya.

                             
Abangan ang hindi matatawarang pagganap nina LJ Reyes at Benjamin Alves at ipinakikilala si Maya Laurent Tibay bilang Catie.  Ngayong Sabado na sa WAGAS  April 30, 2016 7PM on GMANEWSTV!


 

Tags: pr, wagas