Filtered By: Newstv
NewsTV

Kuwento ng walang hanggang pag-ibig, tampok sa 'Wagas'




Bilang isang Nurse na masipag at tapat sa kanyang trabaho, may malasakit at haplos ng pagmamahal ang ginagawang pag-aalaga at pagbabantay ni Felix sa kanyang mga pasyente. Subalit hindi niya inakalang makakakilala siya ng isang pasyenteng nanaisin niyang alagaan at mahalin nang higit pa sa klase ng pagaalaga at pagmamahal na ibinibigay at ipinapakita ng mga nurse sa kanilang mga pasyente.
 
Hindi niya kailanman naisip na isang taong may matinding karamdaman pa ang nanaisin niyang ibigin bilang kasinthan at asawa….
 
Bihira sa mga Nurse gaya ni Felix ang magkaron ng gusto sa mga nakakasalamuha nilang pasyente sa ospital. Sa hirap at dami ng kanilang trabaho, masasabing huli ito sa kanilang mga dapat intindihin. Subalit iba ang nadama niya noong unang sandali pa lang niya nasilayan si Liza, na bukod sa may sakit na Dibates, at may karamdaman din sa kidney.
 
Dahil sa ipinakitang kabutihan ni Felix, agad namang nahulog ang loob sa kanya ni Liza. At sa kabila ng pag-kontra ng maraming tao, at pagkakaron din ng takot at pag-aalangan, nagkaron sila ng relasyon na kalaunan ay humantong din sa kasalan.

Tampok sina Bianca King at Carl Guevarra, tunghayan ang kuwentong ito tungkol sa dalawang taong hindi nagpadaig sa takot at mas piniling umibig nang tunay. Abangan ang kabuuan ng kwentong ito upang malaman kung anong mga pagsubok ang pinagdaanan nina Felix at Liza at kung pano nito mas pinatatag ang kanilang pagmamahalan. Alamin kung hanggang saan umabot ang kanilang samahan!
 
Isa na namang kapana-panabik na kwento ang inyong mapapanood sa Wagas kaya tutok na sa darating na Sabado, September 21, 2013, 7 PM sa GMA News TV Channel 11.