Filtered By: Newstv
NewsTV

Ang wagas na pag-ibig ni Mike Enriquez




Lingid sa kaalaman ng marami, ang respetadong “24 Oras” anchor at “Imbestigador ng Bayan” na si Mike Enriquez, mayroon palang makulay na buhay pag-ibig.

Part-time radio DJ noon si Mike, na kilala noon na “Big Mike,” nang makilala niya ang kolehiyalang si Lizabeth “Baby” Yumping.

Minsan, dinalaw ni Baby si Mike sa istasyon ng radyo kasama ang ilang mga kaibigan. Palibhasa'y avid listener ng programa ng sikat na DJ, excited itong makausap nang personal si Mike.

Pero aminado si Mike na noong una, ordinaryo lang ang tingin niya kay Baby. “Hindi siya nag-standout,” sabi niya.

Maraming babae raw ang umaaligid at humahanga kay Mike noon dahil sa kanyang trabaho, at para sa kanya, isa lang sa mga babaeng ito si Baby.

“Hindi naman sa pagmamayabang, marami kaming bisita [sa radio station] noong araw. Iba-ibang itsura, iba-ibang lahi 'yan, so wala, [we're] just friends,” dagdag niya.

From “You've Got a Friend” to “Baby I’m-a Want You”

Ngunit dahil sa madalas na pag-uusap sa telepono, naging malapit din ang loob nina ni Mike at Baby sa isa't isa.

“Dumating sa punto na gabi-gabi, magkausap kami... Naging friends kami, best friends. Then from 'You've Got a Friend,' ang tinutugtog ko na, 'Baby I’m-a Want You' na,” kuwento ni Mike.

Naging malaking parte rin daw ng pagiging malapit nila ang madalas na song requests ni Baby na siya namang pinatutugtog ni Mike sa kanyang programa sa radyo.

Pero katulad ng ibang pagkakaibigan, nagkaroon din ng tampuhan ang dalawa. Nangyari ito nang minsang nakalimutang patugtugin ni Mike ang song request ni Baby.

Naging malamig daw ang pakikitungo sa kanya ng dalaga at doon niya napagtanto na mahalaga pala ito sa kanya. “Eto 'yung classic na case na hindi mo alam kung gaano ka-importante sa iyo hangga't hindi nawawala, kahit sandali lang,” sabi ni Mike.

“Lindol pa!”

Ani Mike, isa sa mga hindi niya malilimutang pangyayari ang unang date nila sa sine ni Baby.

Lumindol daw noon at nagkagulo ang lahat ng mga tao. Pero imbis na mag-panic, natuwa si Mike dahil tila pagsang-ayon daw ito ng tadhana sa mga plano niya.

“Sabi ko, 'tagalan niyo pa, lakasan niyo pa.' Ang mga tao nagtatakbuhan. Sabi ko dito lang tayo. Unang sine namin ito, unang panood ng sine, lindol pa,'” natatawang kuwento niya.

Dahil hindi pa malaki ang sweldo ng mga DJ noon, may mga pagkakataon na kapos sa budget na pang-date si Mike. Hindi naman niya inakala na dahil sa isang supot na sinigwelas na binili niya gamit ang huling pera sa kanyang wallet ay sasagutin siya ng maganda at konserbatibong si Baby.

Hindi raw maipaliwanag ni Mike ang kanyang naramdaman noon: “Finally pumayag siya na maging girlfriend ko. Parang sasabog ang dibdib ko, hindi ko alam kung ano 'yun.”

Ipinangako daw niya sa kanyang kasintahang si Baby na balang araw, bibigyan niya ito ng magandang buhay. Ito rin ang ginawa niyang inspirasyon upang mas lalo pang magsumikap sa kanyang trabaho.

Family matters

Lumaki bilang konserbatibong babae si Baby, kaya naman ganoon na lang ang pagprotekta sa kanya ng kanyang ina. Noong ipinakilala nga ni Baby ang boyfriend na si Mike, hindi raw agad nito nagustuhan ang binata. Sa kabila ng pagtutol ng ina, patuloy pa rin si Baby sa pakikipagkita kay Mike.

“Nilabag niya ang kagustuhan ng mother niya. Kahit ayaw ng nanay niya, nakikipagkita siya sa akin. Magkikita kami tuwing Linggo, magsisimba kami tapos magla-lunch,” ayon kay Mike.

Dumating pa nga raw sa punto na ipinakausap ng nanay ni Baby si Mike sa terror na lola ni Baby, sa pag-asang ito na ang kusang aatras at hihiwalay sa dalaga.

Laking gulat ng lahat nang pagkatapos ng pag-uusap, imbis na umatras si Mike ay nakasundo pa nito ang matanda.

Sa pamilya naman ni Mike, wala raw naging problema. Botong-boto pa nga raw ito kay Baby.

Pagkatapos ng limang taon na pagiging magkasintahan, nag-propose na ng kasal si Mike kay Baby sa isang bakanteng lote kung saan daw itatayo ang dream house nila.

36 years and counting

Sa ngayon, 36 years nang kasal sina Mike at Baby, ngunit hindi na sila nabiyayaan ng anak. Pinag-usapan na rin daw nila ang pag-aampon, ngunit hindi na ito natuloy: “Busy kami pareho. Busy siya sa career niya, busy ako sa career ko.”

Ang nagsisilbi nilang baby ngayon, si Booma, isang poodle: “Napaka-swerteng poodle 'nun. Spoiled na spoiled.”

Sa kabila ng mga pagsubok, nanatiling matatag sina Mike at Baby, at ang sikreto raw nila—ang pananatili ng kanilang pagkakaibigan.

“Kahit na mag-sweetheart kami, para pa rin kaming magkaibigan. Kapag Thursday na, pinag-uusapan na namin kung saan kami kakain ng Sabado at Linggo,” kuwento ni Mike.

Payo naman ng batikang newscaster sa mga mag-asawa ang patuloy na pag-unawa sa kabila ng mga pagsubok na normal lang namang pinagdaraanan: “Walang kasal na gawa sa langit, dito [sa lupa] lahat gawa ang kasal. May period of adjustment, may away, may uwian.”

“Huwag kalimutang mag-holding hands pa rin kahit matagal na kayong kasal,” dagdag pa niya.

Ang buong kuwento ng pag-iibigan nina Mike at Baby Enriquez, mapapanood sa Wagas: Mga totoong kuwento sa pag-ibig, Sabado, 7 PM sa GMA News TV.



Pagbibidahan ito ng Kapuso actress na si Jennylyn Mercado, bilang si Baby, at ng real-life DJ na si Ramon Bautista, bilang si Mike Enriquez. Kasama rin sa cast ang batikang aktres na si Flora Gasser.

Para sa karagdagang updates tungkol sa Wagas, sundan ang programa sa Facebook at Twitter. —Rica Fernandez/CM, GMA News
 

Tags: webexclusive