Filtered By: Newstv
NewsTV

Wagas: Mga totoong kuwento ng pag-ibig




Lahat tayo ay may kanya-kanyang karanasan tungkol sa pag-ibig. Ikaw, ano ang kuwento mo?

Ngayong darating na buwan ng mga puso, layunin ng GMA News TV na ipagdiwang ang isa sa mga bagay na nagpapasaya at nagpapaganda sa ating mga buhay bilang tao -- ang pag-ibig.

Ito ang dahilan kung bakit nabuo ang Wagas, isang documentary-drama series na sisimulan sa Pebrero 9. Bawat linggo, maghahandog ang programa ng mga totoong kuwento ng pag-ibig na kung hindi magpapakilig ay tiyak na aantig sa puso ng mga manonood.

Bukod sa mga naglalakihang Kapuso stars ang magsasadula sa mga kuwento ng pag-ibig, masasaksihan din ng mga manonood ang panayam ng real-life couples na paksa ng kuwento na lalong magbibigay ng kulay sa programa.

Ayon kay Joni Mosatalla, executive producer ng Wagas, ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ng ganitong klase ng pagsasadula sa mga totoong kuwento ng pag-ibig sa telebisyon.

"Para siyang indie film on TV. At saka every episode, iba-iba ang direktor kaya iba-iba rin ang atake (sa kuwento)," paliwanag niya.

The Defensor-Santiago Love Story

Sa pilot episode ng Wagas, tiyak na matutuwa ang mga naka-miss sa tambalang Heart Evangelista at Geoff Eigenmann. Mapapanood sila bilang mag-asawang sina Sen. Miriam Defensor-Santiago at Narciso "Jun" Santiago para sa, "The Defensor-Santiago Love Story."

Challenge daw ito para sa kanilang dalawa dahil bukod sa unang episode ito ng docu-drama series, ang pag-iibigan ng kilalang couple ang kanilang gagampanan.

Pagmamahalan sa tulong ng 'benteng papel'

Ayon kay Mosatalla, tiyak na marami ang makaka-relate sa programa dahil hindi lang kuwento ng mga kilalang personalidad ang tatalakayin sa Wagas. Mayroon ding istorya ng mga ordinaryong tao na nagmamahalan na hindi dapat palampasin.

"Nakakatuwa kasi para siyang fairytale, pero fairytale na nagkatotoo," dagdag pa ng executive producer.

Isa na rito ang istorya ng pag-iibigan nina Jenny at Edwin na nagsimula dahil sa bente pesos na papel. Mahilig daw makipag-textmate si Jenny, kaya ilang taon na ang nakararaan ay naisipan niya at ng kanyang kaibigan na isulat ang numero ng kanyang telepono sa isang twenty-peso bill.

Nakarating ang perang ito sa Zambales at napunta kay Edwin, na agad namang nagpadala ng text message sa numerong nakita niyang nakasulat sa bente pesos na isinukli sa kanya sa tindahan.

Ngunit marami munang pagdadaanang pagsubok ang dalawa bago nagtagpo ang kanilang landas hanggang sa tuluyan silang humarap sa dambana. Isa lamang ito sa maraming kwento ng wagas na pag-ibig na matutunghayan sa nagong programa sa GMA News TV na magsisimula sa Pebrero 9, sa ganap na 7:00 p.m. 
 
Magsisimula na ang Wagas ngayong Pebrero 9, 7:00 PM sa GMA News TV. I-follow ang Wagas sa Twitter at sa Facebook!

- Rica Marie Fernandez/FRJ, GMA News