Filtered By: Newstv
NewsTV

Kilalanin ang kaisa-isang pure Pinoy NFL player na si Eugene Amano


Kung dito sa Pilipinas, basketball, boxing, at football o soccer ang mga pinakainaabangang sports, sa Amerika, maliban sa basketball at baseball, American football ang pinakasikat. At noong Pebrero, nagbalik sa bansa ang nag-iisang pure Pinoy NFL player na si Eugene Amano. Nakapanayam ng “Sports Pilipinas” ang 6’3” at 310 lbs. na atleta nang bumisita siya sa bansa.



Naglalaro bilang center para sa Tennessee Titans si Eugene. “I snap the football to the quarterback, block for the running back, and protect the quarterback. What makes the offensive line so unique is that we gotta play as a cohesive unit.” Nang tanungin naman tungkol sa pagiging pisikal at bayolente ng sport na ito, ang sabi ni Eugene, “The whole violence aspect, you get to hit someone and impose your will, so to speak, so it’s very fun to play.” At bagama’t madalas ngang magkasakitan sa sport na ito, nananatiling matatag si Eugene. Sa katunayan, mahigit siyam na taon na siyang naglalaro ng professional American football -- isang bagay na ‘di kadalasang nararating ng ibang mga American football players. “I’ve been very fortunate to play for as long as I have. The average career in the NFL is less than four years (and) I’ve definitely beat that average. (However), it takes its toll on you. I definitely feel a lot older than my age.”

Naipagmamalaki rin daw ni Eugene ang kanyang lahi sa sport na napili. “I’ve learned that Filipinos are a very hardworking group and that’s one of the aspects that I brought to the game. I work hard in everything that I do and that’s what sets me apart -- my work ethic.”

Ngunit kahit sikat at successful na, hindi nakalimot sa kapwa si Eugene. Madalas siyang dumalo sa iba’t ibang charity events. Sa katunayan, sa pagbabalik ni Eugene sa bansang kanyang sinilangan, hindi ang pagpasyal at paglibot sa mga magagandang beaches ang inuna ng atleta kundi ang pagdalaw sa Gawad Kalinga home site sa Rosario, Cavite. “Being Filipino and not (being able to) come back here for thirty plus years, it’s very eye-opening to see it for my own eyes.” Dahil sa karanasang ito, balak na ni Eugene magtayo ng sarili niyang Gawad Kalinga village para sa mga nangangailangan. “(Gawad Kalinga has) done a great job in giving back to the Filipino people, uplifting them and providing a better living situation, and (being part of it by building my own village) is something that I wanna do as well.



Pangarap ni Eugene na makakita ng iba pang mga Pilipinong susunod sa kanyang mga yapak at makitang lumaganap ang sport na American football dito sa Pilipinas. “Filipinos are very athletic naturally. If other Filipinos just learn the game, they can succeed as well.” At nang matutunang nabuo na ang kauna-unahang pambato ng bansa sa larangan ng American football na ang Philippine Punishers, natuwa ang atleta. “(It’s) very encouraging that Filipinos have taken a liking to the game. I think in time, it will grow and the interest level will grow.”

Nagsisilbing pruweba si Eugene Amano na kayang magtagumpay ng mga Pilipino sa anumang sport kung magpupursigi at magsusumikap. Isang ehemplo rin siya na kahit malayo na ang narating, mabuti pa ring magbahagi ng iyong mga biyaya sa mga taong nangangailangan.

-Grace Gaddi, GMA News