Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga kalalakihan na biktima ng pang-aabuso, tampok sa 'Reel Time'


REEL TIME PRESENTS HINAGPIS NI ADAN
AIRING DATE: OCTOBER 13, 2018

Tuwing buwan ng Oktubre, ipinagdiriwang sa buong mundo ang Domestic Violence Awareness Month. Domestic violence ang tawag sa anumang uri ng pang-aabusong tinatamo ng isang tao mula sa kanilang kinakasama, kasal man o hindi. Sa Pilipinas, nasa 1 sa kada 4 na babae ang nakararanas ng domestic violence. Pero ang mas masakit na katotohanan, walang malinaw na bilang kung ilang kalalakihan ang nagiging biktima ng nasabing pang-aabuso.

Andres de Saya, takusa o takot sa asawa — ito ang mga madalas na biro sa mga lalaking tiklop daw sa kanilang mga kabiyak. Pero pagdating sa usapin ng pang-aabuso, hindi ito isang biro! Ang sigaw ng grupong Diego Silang Movement, maging ang mga Adan, nagiging tampulan din ng pananakit. Marahil para sa ilan, mahina pa ang kanilang mga boses dahil marami pa ring mga lalaki ang nahihiyang magkuwento ng kanilang mapait na karanasan. Pero ang mga founder ng Diego Silang Movement, handa na raw lumantad. Ito ang kanilang kakaibang confession!

Mga masasakit na salita at mga mura, ito nga raw ang gumigising kay Rom araw-araw. Si Rom kasi, aminadong biktima raw ng domestic violence sa dati niyang asawa. Dumating pa nga raw sa oras na hindi siya pinapasok ng kanyang misis ng minsang ma-delay ang kanilang suweldo. Ang maliliit na pagtatalo, nauuwi raw sa pisikalan. Ang pinakamatindi, tinutukan pa raw siya ng kanyang dating misis ng kutsilyo!

Samantalang si Karlo na founder ng Diego Silang Movement, nahuling nangangaliwa raw ang kanyang dating misis. Pero sa halip na ang babae ang makulong, si Karlo pa ang inireklamo! Pagtatangis ni Karlo, wala raw batas na pumoprotekta sa kanilang mga kalalakihan. Ang tanging batas na mayroon sa bansa, ang Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children na kung saan mga babae at bata lang ang maaaring panigan ng katarungan. Kaya naman sigaw nila, walang pinipiling kasarian ang karahasan.

At sa isang social experiment, inalam naming kung tunay nga bang may pinapanigang kasarian ang pagtulong ni Juan. May tutulong kaya kung si mister naman ang bubungangaan at sasaktan ni misis sa mga pampublikong lugar?

Tunghayan ang kakaibang kuwento ng paglaban at pagbangon, ngayong Sabado sa Reel Time presents Hinagpis ni Adan, 9:15pm sa GMA NewsTV11!