Kuwento ng mga panday, tampok sa 'Reel Time'
REEL TIME presents 'PANDAY'
Ang mga kutsilyo, itak, patalim o blades ay parte ng pang-araw-araw na pamumuhay nating mga Pilipino. Mapa-kusina, palengke, hanggang bukid, gamit natin ito. Ang mga blade na ito, likha ng isang uri ng manggagawang tila unti-unti nang naglalaho sa ating lipunan—ang mga Panday.
Sundan natin si Mang Waldy, apatnapung taon nang panday, at ang kaniyang anak na si Willy sa pagkilala sa mga iba pang panday na may kani-kanilang specialties mula sa pinakasimpleng pambukid na itak at kawit hanggang sa mga custom blades na nagkakahalaga ng USD 300 pataas!
Makakasalamuha ni Mang Waldy Si Ram Maquimot, 28 anyos at sampung taon nang panday, magbabahaginan sila ng mga kaalaman mula luma at tradisyunal na mga paraan hanggang sa moderno at makabagong mga disenyo.
Ipapakita rin ng isang blade collector, ang bokalista ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda, ang kaniyang paboritong blades na likha ng mga Pinoy Panday.
Makikilala rin natin ang isang Pinoy Panday na talaga namang sumikat sa buong mundo, si Ryu Lim.
Ang mga Panday ang bida sa Reel Time ngayong Sabado, 9:15 ng gabi sa GMA News TV.