Kuwento ng ilang sikat na komedyante, tampok sa 'Reel Time'
Reel Time presents 'Sa Likod ng Komedya'
Gaano nga ba kahirap magpasaya ng ibang tao kung ikaw mismo ay may mabigat na dinadala?
Mahilig daw tumawa ang mga Pinoy. Tumatawa tayo kapag masaya tayo. Tumatawa rin tayo kahit malungkot tayo. Sabi nga sa isang OPM classic, “Tawanan mo ang iyong problema.” Maging sa isang international survey noong 2015 para sa UN International Day of Happiness, ika-5 ang mga Pilipino sa pinakamasasayang tao sa buong mundo. Habang noong 2016 naman, ika-20 ang Pilipinas sa “happiest places in the world”, ayon sa Happy Planet Index. Hindi kataka-takang meron pa tayong binansagang “King of Comedy”, si Dolphy.
Dahil sa hilig ng mga Pinoy sa katatawanan, hindi lang sumikat ang maraming komedyante, yumaman din sila sa pagpapatawa. Pero gaano nga ba kahirap ang propesyung ito? Totoo nga bang kung sino ang laging nagpapasaya ng iba, sila ang may malulungkot na buhay?
Ngayong Sabado sa Reel Time, kikilalanin at kakamustahin natin ang ilan nating Kapusong Komedyante --- sina Booobsie Wonderland, Verna ng Wowowin, at Manuel “Ate Guy/Bona” Papillera.
Sumikat si Boobsie dahil sa pag-arte niyang parang batang paslit. Eksperto siya sa paghahalo ng mga nakatatawang hirit sa mga gawi ng isang bata. Si Verna naman, naging puhunan ang galing sa pagkanta at sa ayaw at sa gusto man daw niya, ang kaniyang kakaibang itsura. Kapag napapanood sila sa telebisyon at entablado, makakalimutan mo ang mga problema mo. Pero ang hindi natin alam, hindi laging comedy ang buhay nila. Madalas ding maraming drama.
Naaalala pa rin ba ninyo si Ate Guy? Hindi si Miss Nora Aunor, kundi ang kaniyang impersonator? Kilala rin siya bilang Bona. Maliban kina Ate Gay at Teri Onor, kilala rin noon si Bona na numero unong gumagaya sa The Superstar. Pero hindi tulad ng ibang kasabayan niyang komedyante, naging tila trahedya ang takbo ng buhay ni Bona. Namumuhay nang mag-isa, walang pamilya, at wala ring matirhan ngayon ang dating komedyante. Anong klaseng biro ng tadhana kaya ang naganap sa kaniya?
Siguradong magkahalong iyak at tawa ang hatid sa inyo ng sa isa na namang dokumentaryo sa GMA News TV, ang Reel Time Presents Sa Likod ng Komedya ngayong Nobyembre 18, Sabado, 9:15 ng gabi. Huwag kalilimutang magbaon ng tissue.