Filtered By: Newstv
NewsTV

Kalbaryo ng mga gumagawa ng walis tambo, aalamin sa 'Reel Time'



REEL TIME presents TAMBO
September 30, 2017 | Sabado | 9:15 PM | GMA News TV 11

Aakalain mo bang ang walis tambong ipinanglilinis natin, buwis-buhay palang gawin?

Mula Nueva Ecija, dinarayo nila Edgar Mangahas ang Pampanga. Sa mga malalawak na lupain kasing nilubog ng lahar namumukadkad ang tiger grass o tambo, isang uro ng damo na ginagamit sa pagbuo ng ginagamit nating walis.

Nakakasugat ang mga matatalas na dahon ng tambo. Sa mga masusukal at matubig na lugar lang din ito tumutubo. Kaya kasama sa pangunguha nito ang peligrong malunod at matuklaw ng ahas. May mga kasamahang mananambo si Edgar ang nadisgrasya at namatay na dahil sa pangunguha ng tambo. Kaya nangangamba man, hindi naman nawawalis ng takot ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Bukod sa delikado, oras ang kalaban. Tuwing Setyembre lang, isang buwan lang sa loob ng isang taon, kung mamulaklak ang tiger grass o tambo. Tanging ang mga hindi pa bumubukang bulaklak ng damong ito ang inaani para gawing walis. Kung bumuka na kasi ang mga bulaklak, nawawala ang tibay nito.

Kinamulatan na ni Edgar Mangahas ang pangunguha at paggawa ng walis tambo. Ngayong may asawa't mga anak na siya, sa tambo pa rin siya umaasa para sa pang araw-araw ng kanyang pamilya.

Pangatlo sa limang magkakapatid, si Evelyn ang unang makakatapos ng Senior High School sa mga anak ni Edgar. Siya ang pag-asa ni Edgar para magbago ang kinabukasan ng kanilang pamilya. Sa susunod na taon, magkokolehiyo na si Evelyn. Siya ang unang makakatuntong ng kolehiyo sa mga anak ni Edgar. Ito ay kung makakaipon ng sapat na tambo si Edgar ngayong papatapos na ang buwan ng Setyembre.

Ngayong Sabado, tunghayan ang isang kuwento ng tibay ng isang ama. Inihahandog ng Reel Time ang TAMBO ngayong Sabado 9:15 PM sa GMA News TV 11.

 

Tags: plug, reeltime, tambo