Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga kaso ng sexual harassment sa pampublikong lugar, tatalakayin sa 'Reel Time'


REEL TIME presents
'WAG KANG BASTOS
March 25, 2017
Sabado, 9:15pm
GMA News TV 11

 


Nagulat si "Thelma" nang tanungin siya ng kanyang boss tungkol sa tattoo malapit sa maselang bahagi ng kanyang katawan. "Nais niya raw kasi itong makita", bulong nito kay Thelma habang abala sa trabaho sa pabrika. Ang inakala ni Thelma na masamang biro lang ay nauwi sa isang bangungot. Hindi na nakagalaw pa si Thelma nang ipasok ng kanyang boss ang mga kamay nito sa loob ng kanyang uniporme. Ilang minutong tumagal ang paglalaro ng kanyang mga kamay hanggang sa paulit-ulit itong nangyari sa loob ng sampung buwan.

Ayon sa kauna-unahang survey tungkol sa sexual harassment sa bansa na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) noong 2016, 3 sa bawat 5 babae sa Pilipinas ang nakararanas ng sexual harassment. Ang sexual harassment ay ang sapilitang paghingi, paghiling, pag-uutos at iba pa, ng sekswal na pabor mula sa iba, ito man ay pagbigyan o hindi ng biktima.

"Hipo lang? At least hindi rape." Ito raw ang sinabi kay Thelma ng kanyang kasamahan nang unang beses niyang ikuwento ang kanyang karanasan. At sa takot niya mawalan ng trabaho, hindi nagawang magsumbong ni Thelma.

Ang mababang pagtingin sa sexual harassment ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi nagsusumbong o nagsasampa ng reklamo ang mga biktima. Bagama't tumaas ng 136% ang bilang ng mga kaso ng sexual harassment mula 2010 hanggang 2014 ayon sa Philippine National Police, hindi raw masasalamin ng bilang na ito ang kabuuang sitwasyon ng sexual harassment sa buong bansa.

Sa ilalim din kasi ng R.A. 7877 o Ant-Sexual Harassment Law, nagaganap lamang sa loob ng trabaho at lugar ng pag-aaral o pagsasanay ang sexual harassment. Limitado ito sa may relasyong employer-empleyado at guro-estudyante.

Pero sa tala ng UN Women Philippines, 58% o halos 3 sa bawat 5 insidente ng sexual harassment ang nangyayari sa mga kalye at pampublikong lugar.

Hindi na raw mabilang nina Cha at Gigi kung ilang beses silang nakaranas masipulan o matawag na sexy o babe ng mga lalaking hindi nila kilala tuwing maglalakad sa mga kalye. Naranasan na rin nilang mabastos habang bumabiyahe. Ilang beses nang nahipuan si Gigi habang nasa jeep at minsan na ring may nag-masturbate sa harapan ni Cha sa loob ng FX.

Ayon sa survey ng SWS, 88% ng mga babae sa Pilipinas na edad 18-24 taong gulang ang nahipuan o nakaranas ng catcalling o pambabastos sa pamamagitan ng pagtawag ng ibang mga pangalan tulad ng sexy at babe.

Gustuhin man daw nilang magreklamo, lumalabas na sila pang biktima ang may kasalanan. "Bakit kasi ganayan ang damit mo?", "Bakit ka kasi doon dumaan?", "Bakit mo pinapalaki e sinipulan ka lang naman?", "Ganoon talaga ang mga lalaki," ang mga madalas nilang tanggaping paninisi.

Itinutulak ngayon ang pagkakaroon ng batas para maparusahan ang paninipol at catcalling. Pero sapat nga ba ito para wakasan ang ganitong uri ng pambabastos na para sa ilan ay maliit na bagay lamang?

Sa pakikiisa ng Reel Time sa pagdiriwang ng International Women's Month, tatalakayin nating ngayong Sabado ang sitwasyon ng sexual harassment sa mga kababaihan sa Pilipinas. Ngayong Sabado, 9:15pm, tunghayan at pakinggan ang ating dokumentaryo't panawagan, "'WAG KANG BASTOS" sa GMA News TV 11.