Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga kakaibang alagang hayop, tampok ngayong Sabado sa 'Reel Time'


REEL TIME PRESENTS PAULIE, BES, & TIGOY

 


Nakaramdam ka na ba ng kakaibang pagkagiliw na hindi mo maintindihan? ‘Yung tipong hindi siya maalis sa utak at isip mo? Nagkagusto ka na ba na hindi mo maipaliwanag kung bakit? ‘Yung tipong pati ikaw, nagtataka kung bakit sa lahat, siya ang gusto mo? Nagmahal ka na ba nang lubos? ‘Yung tipong wala kang hinihintay na kapalit, kahit hindi niya sinusuklian ang pagmamahal mo?

‘Yan ang pagmamahal na nararamdaman nina Dee, Kevin, at Ken sa kanilang mga alagang hayop na sina Paulie, Bes, at Tigoy.

‘Till death to us part’

Labing anim na taon nang kasa-kasama ni Dee si Paulie, isang Blue-headed parrot simula pa noong OFW pa sa Singapore si Dee. Nang bumalik siya sa Pilipinas noong 2012, kasama na rin niyang umuwi si Paulie. Tunay ngang ‘inseparable’ na ang dalawa. Biyuda na si Dee at nakahiwalay na rin sa kaniya ang kaniyang mga anak kaya naman si Paulie na lang ang kaniyang kasama sa buha at itinuturing na bunsong anak. Ayon pa kay Dee, mas gugustuhin niyang sabay silang mawala ni Paulie dahil wala raw siyang mapagkakatiwalaang taong magmamahal kay Paulie tulad ng pagmamahal niya. Kung sakali man daw na may mangyari kay Paulie, wala na rin umanong saysay ang kaniyang buhay.

‘Best Friends Forever’

Si Bes, isang Burmese python, ay apat na buwan pa lang kay Kevin. Ito na ang ikalimang pagsubok ni Kevin na mag-alaga ng ahas. Sa mga naunang pagkakataon, napapabayaan umano ang kaniyang mga alaga kapag siya ay nasa bakasyon. May isang beses namang inabutan umano niyang adobo na ang kaniyang alagang ahas. Tutol raw kasi ang kaniyang mga magulang sa kakaibang hilig na ito ni Kevin. Pero para kay Kevin, kakaibang ‘pride’ ang idinudulot sa kaniya kapag napapaamo niya ang mga ahas. Bukod pa rito, pangarap umano talaga niyang maging beterinaryo. Sa kasamaang-palad, pagpasok din sa serbisyo ang gusto ng kaniyang amang pulis para sa kaniya. Sinunod naman niya ang hiling na ito ng kaniyang ama at kapalit nito, malaya na siya ngayong makapag-aalaga ng ahas. Para kay Kevin, simula na ito ng kanilang mas maganda at matagal na pagsasama ng BFF niyang si Bes.

‘No Fear, Just Love and Respect’

Bukod sa pag-aartista, may hindi pa pangkaraniwang hilig si Ken --- ang pag-aalaga ng mga reptile. Sa ngayon, mayroon siyang tatlong klase ng reptile na inaalagaan. Pero sa tatlong ito, pinakapaborito niya si Tigoy, ang kaniyang one-year-old caiman crocodile. Nabili umano niya ito sa Mindanao, kung saan marami ang kumakain sa laman ng buwaya. Ayon kay Ken, kung hindi niya nabili noon si Tigoy, malamang ay hindi umabot ng isang taon ang buhay nito. Layunin niya umanong ipakalat ang paniniwalang imbes na katakutan, mas kailangang irespeto ang mga buwaya tulad ng ibang mga hayop. Ganunpaman, batid ni Kevin na ang buwaya ay hindi katulad ng aso o ng pusa na natututong maglambing.  Handa raw siya na anumang oras na maari siyang makagat nito. Bagamat hindi umano maibabalik ni Tigoy ang kaniyang pagmamahal, hindi ito makapipigil kay Ken para patuloy na alagaan si Tigoy.

Ano, nagmahal na rin ba kayo tulad nina Dee, Kevin, at Ken? Oo o hindi man ang iyong sagot, manood na sa Sabado, 9:15 ng gabi, ng Reel Time Presents Paulie, Bes, & Tigoy sa GMA News TV at sama-sama tayong ma-inlove sa mga kakaibang pet na ito.