Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga hayop na muling 'nabuhay,' tampok sa 'Reel Time


 


Halos tatlong dekada na raw 'bumubuhay' ng patay si Mang Berting.

Hindi na raw mabilang ng construction worker na si Roberto Dela Cruz o Mang Berting ang mga patay na aso, pusa, ibon, isda at iba pang mga hayop na kanyang muling 'binuhay'. Taxidermy ang tawag sa prosesong ito ng pagbabalat at pagpapalaman sa mga patay na hayop para magmukhang buhay at mapreserba ang mga ito.

Sa patay din nabubuhay ang embalsamador na si Kath. Pero nang nakita niyang kaunti lamang ang mga taxidermist sa bansa at malaki ang kita rito, naisipan niyang pasukin na rin ang pagtataksidermi. Malaking tulong daw ang karanasan at kasanayan niya bilang embalsamador para matutunan ito.

Higit sa pagiging kabuhayan, pagtulong sa iba kung ituring nina Mang Berting at Kath ang pagtataksidermi. Iba raw kasi ang pakiramdam kapag nakikitang muli ng mga may-ari ang kanilang mga yumaong alaga.

 


Anak na kung ituring ni Aileen ang kanyang Persian Cat na si Tom. Dahil kasi sa Maynila nagtatrabaho, nawalay siya sa kanyang mga anak na nasa Romblon. Nang pumanaw si Tom, hindi niya raw maatim makitang ilibing ang itinuring na anak. Kaya nagdesisyon si Aileen na ipa-taksidermi si Tom para araw-araw niya pa rin itong makita at makasama.

Ang Aspin naman na si Potchie ang kauna-unahang alagang aso ni JC. Ang pakikitungo at pagmamahal daw ni Potchie ang nagdulot para maging isa siyang dog lover. At dahil araw-araw pa rin niyang nakikita si Potchie kahit pumanaw na, ipinapaalala daw nito ang naging samahan nila. Sa ngayon, may halos 20 alagang aso si JC.

Para kina Aileen at JC, nakakapawi ng pangungulila ang dulot ng taksidermi pero para sa iba, ito ay kapana-panabik.

Kilalang mangangaso at kolektor ng hayop si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson. Kabilang sa kanyang koleksyon ang mga mababangis na hayop tulad ng elepante, leon, tigre, oso at mga usa na galing sa iba't-ibang mga bansa. Sa pamamagitan daw ng taksidermi, naipepreserba ang kanyang mga nahuling hayop para makilala at mapahalagahan ng mga taong bumibisita sa kanyang museo.

Para kay Chavit, ito ay isang sining at paraan para mailapit ang mga tao sa mga buhay-ilang. Pero para sa iba, ito ay uri ng kalupitan at nakababahala.

 


Ngayong Sabado, 'bubuhay' tayo ng patay. Tunghayan sina Bantay, Mingming at iba pang hayop na muling 'nabuhay'. Tutukan ang REEL TIME presents BUHAY NA PATAY ngayong Sabado, 9:15pm sa GMA News TV 11.