Filtered By: Newstv
NewsTV

Pamilyang nanghuhuli ng kugita sa Palawan, tampok sa 'Reel Time'


 


REEL TIME presents
KUGITA
May 7, 2016
SABADO 9:15PM


Sa isla Depelengued, ang kugita ay pera.

Sakay ng mga tagpi-tagping pampalutang, maghapong nangangawil si tatay Marlon at ang kanyang mga anak na sina Giovanni at Jerome. Animo’y mga tuldok sa gitna ng malawak na karagatan, mano-mano silang nanghuhuli ng kugita.

Kugita ang tawag sa oktopus o pugita sa salitang Calamianen ng mga Tagbanua ng Busuanga, Palawan.

Araw-araw pumapalaot ang mag-aama. Ganito na raw ang buhay ng mga ninuno nila na itinuring na tahanan ang mga isla ng Calamianan sa Palawan. Para sa mga katutubong Tagbanua Calamianen, karugtong na ng kanilang buhay ang karagatan.

Bukod sa pagkain sa araw-araw, ang pagpunta nila sa laot ay para mabayaran ang mahigit anim na libong pisong utang na limang taon na ang binibilang. Sa kawalan nila ng pera, kugita ang kanilang pambayad utang. Batid ng mag-aama na maraming kugita at taon pa ang bibilangin para mabayaran ang lumalaki pa nilang utang.

Pero sa paglipas ng panahon, paunti na nang paunti ang nahuhuli nilang kugita. Isa raw sa mga dahilan ang pag-usbong ng mga resort at mga negosyong bumakod sa kanilang karagatan. Patuloy din daw ang pagdating ng mga malalaking dayong mangingisda sa kanilang lugar. Ngayong halos wala nang mahuling kugita, paano na sila makakabayad utang?

Ngayong Sabado, sa bago nating araw, inihahandog ng REEL TIME ang kuwento ng pag-asang nakapulupot sa kugita sa kabila ng mga galamay ng pagsubok. Tunghayan ang KUGITA sa bago nating oras 9:15PM pagkatapos ng Taste Buddies sa GMA News TV Channel 11.
 

Tags: kugita, pr, reeltime