'Walang iwanan with the Master Showman,' tampok sa 'Reel Time'
Masaya, makulay at buhay na buhay ang mga kuwento ng mga kaanak at kaibigan ni German "Kuya Germs" Moreno, sa tuwing sinasariwa nila ang panahong kapiling pa nila ang Master Showman. Pero sa gitna ng kanilang pagbabalik-tanaw, hindi maiiwasan ng marami sa kanila ang malungkot at maluha sa bigla niyang pagpanaw. Wala na raw makapapantay at hindi na kailanman mapapalitan ang pagmamahal na inialay niya sa industriya ng showbiz sa Pilipinas. Totoo nga namang, nag-iisa lang ang Master Showman.
Sa dokumentaryo ngayong Linggo ng "Reel Time," marami pang kuwento ng tagumpay, pagkasawi, at pag-asa ang maririnig natin mula sa mga taong malapit sa puso ng Master Showman. Ang mga ordinaryong mga tagahanga at mga artistang kuminang ang bituin sa tulong ni Kuya Germs, magbabahagi ng kani-kanilang hindi malilimutang alaala sa likod ng kamera kasama ang icon ng Philippine showbiz.
Natulog na nga ang Master Showman, pero marami siyang iniwang pamana na kakapitan ng kaniyang mga naulila.
"Walang Iwanan with the Master Showman," dokumentaryong handog ng "Reel Time" bilang pagpupugay sa nag-iisang Kuya Germs, Linggo ng gabi, 9 PM sa GMA News TV.