Alamin kung paano lutuin ang mga pagkaing inihahain sa mga datu at prinsesa
Sa episode ng “Reel Time” na ipinalabas nitong Nobyembre, napanood ang ilang Bangsamoro recipes na nanganganib na raw maglaho at maging kasaysayan na lamang.
Ayon sa isang pag-aaral sa Mindanao State University, ang salitang “Bangsamoro” ay mula sa “bangsa” na nangangahulugang bayan o grupo ng mga tao, samantalang ang “moro” naman ay mula sa salitang “moor” na tawag noon ng mga Kastila sa mga mamamayang Muslim na nakatira sa Mindanao at Sulu.
Ayon kay Chef Abdulatif “Tato” Sangcupan na eksperto sa pagluluto ng mga pagkaing Moro, unti-unti na raw namamatay ang kultura ng pagluluto ng mga pagkaing Moro.
“Nawawala na rin sa market iyong kalimitan na mga (Moro) recipe. Minsan ‘pag pumunta ka sa mga restaurant, ang nakikita mo iyong mga Western-inspired na pagkain.”
Ang mga Moro recipe na naging tampok sa programa, talagang pinaglalaanan daw ng oras at pagod dahil inihahanda ang mga ito para sa mga bigating panauhin. Ang mabusising pagluluto, maaaring dahilan daw kung bakit unti-unting naglalaho na ang mga pagkaing dating inihahain sa mga dugong bughaw.
“Minsan inihahain ito sa mga espesyal na mga bisita, tulad nga mga royal family, mga opisyales, o ‘yung galing pa sa malalayong lugar,” dagdag ni Chef Tato.
Inasekan o stuffed crab ng Maguindanao recipe
Mga sangkap:
1 kilong alimango
1 pirasong luyang dilaw, dinurog
4 pirasong sibuyas, tinadtad
1 buong bawang, dinurog
5 pirasong Kamatis, hiniwa
Dahon ng sibuyas, hiniwa
Gata ng niyog (optional)
Kinadkad na niyog
Lemon grass o tanglad
Asin (pampalasa)
Paraan ng pagluluto:
1. Tanggalin ang laman at taba ng alimango.
2. Paghaluin ang taba ng alimango, sibuyas, luya, dahon ng sibuyas, bawang, kamatis, luya, niyog at asin.
3. Ipalaman ang mga pinaghalong mga sangkap sa loob ng alimango. Gumamit ng lemongrass o tanglad para maisara ang pinalamanang alimango.
4. Lutuin ang alimango sa mababang apoy. Lagyan ito ng gata o tubig. Takpan at pakuluin.
Panoorin ang paraan ng pagluluto ng inasekan:
Ginataang katipa o hito recipe
Mga sangkap:
4 na hito
Gata
3 sibuyas
1 Bawang
Dahon ng sibuyas
Luya
Palapa (toasted grated coconut)
Paraan ng pagluluto:
1. Lagyan ng kaunting asin ang niyog at saka painitan hanggang matusta o maging “brown” ang kulay nito. Lagyan ng siling labuyo base sa iyong panlasa (optional). Ito ang magiging “palapa.”
2. Ihawin ang hito para mawala ang lansa ng isda. Pagkatapos, hiwain ito sa tatlo.
3. Gisahin ang bawang, sibuyas at luya, saka ilagay ang hito.
4. Ibuhos ang gata at ilagay ang palapa.
5. Takpan hanggang sa maluto. Lagyan ng dahon ng sibuyas bago ihain.
Panoorin ang paraan ng pagluluto ng ginataang katipa:
Seninga recipe (Manok sa luya at gata)
Mga sangkap:
Manok na kinatay sa paraang halal
Luyang dilaw
Gata ng niyog
Dahon ng sibuyas
Lemongrass o tanglad
Paraan ng pagluluto:
1. Haluan ang kinudkod na niyog ng tubig at dinurog na luyang dilaw saka pigain ang katas nito. Ihiwalay ang unang katas nito.
2. Pakuluan ang gata (hindi kasama ang unang katas), lagyan ng durog na luyang dilaw, tinadtad na dahon ng sibuyas at isang bungkos ng tanglad. Pakuluan ng ilang minuto.
3. Ilagay na ang manok.
4. Kapag luto na ang manok, ilagay ang purong gata (unang katas ng niyog)
5. Maaaring lagyan ng “tinulok” o siling may halong niyog (optional).
Panoorin ang paraan ng pagluluto ng sinenga:
Linulot recipe
Mga sangkap:
Pinutol na kawayan na gagamiting lutuan
Dahon ng saging
Pusit
Hipon
Sibuyas
Dahon ng sibuyas
Bawang
Luya
Bigas
Tubig
Paraan ng pagluluto:
1. Ilagay ang luya, hipon, pusit, bawang, sibuyas at dahon ng sibuyas sa loob ng kawayan. Takpan o busalan ang kawayan gamit ang dahon ng saging.
2. Hugasan ang bigas. Lagyan ng bigas at kaunting tubig ang isa pang kawayan, takpan din gamit ang dahon ng saging.
3. Paikot-ikutin ang mga kawayan sa mababang apoy para balanse ang pagkaluto ng kanin at linulot. Gawin ito ng tatlo hanggang limang oras.
Panoorin ang paraan ng pagluluto ng linulot:
Susubukan mo rin bang lutuin ang mga Moro recipe na ito? I-share sa Reel Time Facebook at Twitter ang larawan ng iyong niluto at balitaan mo kami sa naging lasa nito! Maaari mo ring bisitahin ang GMA Public Affairs Facebook, Twitter at Instagram para updated ka lagi sa mga paborito mong dokumentaryo! ---Annalyn Ardona/BMS, GMA Public Affairs