Filtered By: Newstv
NewsTV
Inihahandog ng 'Reel Time:' 'Mga Anak ng Dagat'
Inihahandog ng Reel Time
MGA ANAK NG DAGAT
Episode Airing on September 13, 2015
Mistulang basa ng luha ang lupa sa isang maliit na isla sa lalawigan ng Samar.
Babad sa kahirapan ang lugar, kung kaya’t marami sa mga ilaw ng tahanan ang lumilisan para mangibang-bayan. Sakripisyo ito ng ilang pamilya, ngunit wala silang magagawa kundi labanan ang lungkot at pangungulila nila sa isa’t isa. Pero kahit isang miyembro na ang namamasukan sa malayong lugar tulad ng Maynila, tila nilulunod pa rin sila sa kahirapan ng buhay.
Kaya naman kahit sa murang edad, hasa na sa pagbabanat ng buto ang mga bata sa kanilang lugar. Sa Sitio Majaba, Barangay Basiao, lungsod ng Catbalogan, tatlong mukha ng kabataang kapatid na ng pangungulila at pag-asang makaahon sa kahirapan ang nagbahagi ng kanilang kuwento.
Menor de edad sina Michael (11), Pinggoy (10) at JM (9), pero kanang-kamay na sila na ng kanilang mga magulang sa pagtatrabaho. Sagwan at lambat ang madalas nilang hawak, at ang saganang dagat naman ng Samar ang kanilang malawak na palaruan. Batid ng mga bata na kung hindi sila tutulong sa kanilang mga magulang, wala rin silang kakainin sa hapag-kainan. Kabilang sila sa mga minsan lang nararanasan ang pagiging bata – ang 2.9 milyong ‘child workers’ sa Pilipinas o mga batang pinahihintulutan ng kanilang mga magulang para magbanat ng buto kahit may gatas pa sa labi.
Ngayong Linggo sa Reel Time, pakinggan at saksihan ang dokumentaryong “Mga Anak ng Dagat”, alas-9 ng gabi sa GMA NewsTV Channel 11, pagkatapos ng Kings of Restoration.
Executive Producer/Writer: Jayson Bernard Santos
Researcher: John Michael Cristobal
Videojournalists: Enrico ‘Cocoy’ Gaa at Marlon Cartagena
More Videos
Most Popular