Tulay na yari sa baging na daanan papunta sa paaralan, tampok sa 'Reel Time'
Sunday, 9:00 PM
August 30, 2015
Kung tanging baging ang daan patungo sa iyong pangarap, tatawid ka ba?
Makarating lamang sa paaralan, isang tulay na gawa sa pinagdugtong-dugtong na baging ang araw-araw tinatahak ng labing-apat na taong gulang na si Arcel at ng iba pang kabataan sa Barangay Panipiason sa bayan ng Madalag, Aklan. Delikado man, mas 'ligtas' na raw ito kaysa matangay ng rumaragasang ilog ng Madalag.
Walang mintis sa pagpasok sa eskwela si Arcel. Pangarap niya ang makapagtapos ng pag-aaral at maging piloto balang araw. Panganay sa apat na magkakapatid, naniniwala siya na kapag nakarating siya ng iba't-ibang bansa ay maiaahon na niya sa kahirapan ang kanyang pamilya. Para kina Arcel, sa tulay nakasalalay ang kinabukasan nila.
Gawa ang tulay sa isang uri ng baging na tinatawag nilang baeatungan. Ito raw ang pinakamatibay sa lahat ng baging na matatagpuan sa liblib at mayamang kagubatan ng Madalag. Nang wasakin ng bagyong Yolanda ang kanilang lumang tulay na gawa sa bakal at kawayan, tulong-tulong nilang itinayo ang tulay na baging gamit lamang ang sariling kaalaman at kakayahan. Dalawang taon na ang lumilipas simula nang manalasa ang bagyong Yolanda, wala pa rin daw sapat na pondo para mapalitan ito ng mas matibay na tulay.
Pero hanggang tatlong buwan lamang ang itinatagal ng baeatungan kapag ito ay kinuha mula sa kagubatan. Kaya naman kada tatlong buwan, pinapalitan nila ang tulay na baging. Pero dalawang dekada naman ang itinatagal para muling tumubo at mapalitan ang mga kinuhang baeatungan sa gubat.
Ngayong muling nasisira ang tulay na baging, mayroon pa kaya silang makukuhang baeatungan para mapanatili ang tibay nito? Hanggang kailan sila aasa sa baeatungan para lang magkaroon ng tulay? Paano na itatawid ang mga pangarap kung mapuputol na ang tulay?
Ngayong Linggo sa Reel Time, hatid namin ang isang kwento ng pagtawid para makalipad. Kahalintulad ng tibay ng baeatungan, tunghayan kung paano itinutulay ng isang komunidad ang kanilang kinabukasan sa lakas ng bayanihan. Inihahandog ng Reel Time ang Tulay ng Piloto, Linggo, alas-nuwebe ng gabi sa GMA News TV channel 11.