Filtered By: Newstv
NewsTV

Kuwento ng pag-iimpok ngayong tag-init, tampok sa 'Reel Time'


REEL TIME presents
ANG LANGGAM NG MINALUNGAO
April 26, 2015
Linggo, 8PM




Animo'y mga langgam, nag-iimpok sila para paghandaan ang kahirapang hatid ng tag-ulan.

Sa edad na labindalawang taong gulang, isa nang tour guide sa Minalungao National Park sa Nueva Ecija si Mario.  Dinadala niya ang mga turista sa mga kweba at ilog ng Penaranda sa Minalungao.  Dagsa ang mga turista ngayong summer sa kanilang lugar kaya magandang pagkakataon daw ito para kumita ng pera. Pagsapit kasi ng tag-ulan, matitigil ang kanilang kabuhayan. Muli na namang tataas ang ilog ng Penaranda kaya wala nang mga dadalaw na turista sa kanila.

Pangunguha naman ng pugad ng ibong balinsasayaw ang ikinabubuhay ng ama ni Mario.  Biniyayaan ng maraming kweba ang kanilang lugar kaya hindi raw nakapagtataka na maraming balinsasayaw sa Minalungao.  Anim na libong piso kada kilo ang halaga nito sa merkado.  Sinusuyod ng ama ni Mario ang mga kweba at pilit pinapasok ang mga masisikip na butas ng mga ito kahit delikado.  Tuwing tag-araw lang din kasi nila ito nagagawa dahil mahirap nang manguha pagsapit ng tag-ulan.

Pero bukod sa tag-ulan, may ibang pinaghahandaan si Mario. Nagtatrabaho siya ng mabuti para makaipon din siya ng pambili ng isang simpleng celfone.  Naghahangad si Mario na sa pamamgitan ng celfone na ito ay makakausap niya ang isang taong matagal na niyang gustong makapiling. Sino kaya ang taong ito sa buhay ng batang tour guide?

Ngayong Linggo, inihahandog ng Reel Time ang kuwento ng pag-iimpok para paghandaan ang paparating na tag-ulan at para muling mapagdugtong ang nawalay na samahan.  Pagsapit ng alas-otso ng gabi sa GMA News TV, tunghayan ang kuwento ng mga "Langgam ng Minalungao."
 
 
 

Tags: prstory