Filtered By: Newstv
NewsTV

Kalderetang pagpag, tampok sa 'Reel Time'


Reel Time presents "Ulam"
Airing: April 19, 2015
 



Sa isang lugar sa Maynila, may isang kalderetang patok sa mga mamimili --- ang chicken kaldereta ni Mang Norbing!
 
Sa halagang sampung piso, malalasap mo na ang sarap at anghang ng kalderetang pampamilya umano --- malasa na, mura pa!


Pero ang pinag-uusapang kaldereta ni Mang Norbing, kakaiba sa lahat ng kalderetang maaaring natikman mo na. Bukod sa hindi ang karaniwang karne ng kambing o baka ang sangkap nito, ang manok na pangunahing sahog ng kaldereta ni Mang Norbing ay mula sa pagpag.

Ang pagpag ay ang mga tira-tirang manok mula sa mga restaurant at fastfood. Kinukuha ito ng mga “tagapili” mula sa basurang dinadala sa tambakan. Inihihiwalay ng mga tagapili ang mga plastic na puwedeng i-recycle at ang mga tirang pagkaing puwede pa umanong iluto ulit. Bumibili si Mang Norbing ng mula walo hanggang sampung bucket ng pagpag mula sa mga tagapili. Ang nabiling pagpag ang nagsisilbing pangunahing sahog ng kaniyang kaldereta, kapalit ng karaniwang karne ng kambing o baka.

Para sa iba, marumi at nakakadiri ang pagpag. Pero para sa mga suki ni Mang Norbing, mas mahalaga na malamnan ang kumakalam na sikmura kaysa ang isipin ang dumi ng pagkain. Isa pa, wala pa naman umanong namatay dahil sa pagkain ng pagpag. Ayon naman kay Mang Norbing, malinis na ang kaniyang kalderetang pagpag dahil hinugasan na ito bago niluto ulit.

Ayon sa estadistika, mas maraming namamatay sa gutom kaysa sa pinagsama-samang bilang ng mga namamatay sanhi ng AIDS, malaria, at tuberculosis taun-taon sa buong mundo (World Food Program).

Isa sa bawat siyam na tao sa mundo ang natutulog nang gutom gabi-gabi  (The State of Food Insecurity in the World 2014).Habang tinatayang nasa 1/3 ng kabuuang volume (o 1.3 bilyong tonelada) ng pagkain ng tao na pinuprodyus sa loob ng isang taon sa buong mundo ang nasasayang lang (The State of Food Insecurity in the World 2014).

Sa Pilipinas, tinatayang nasa 8.9 milyong pamilya ang nagsasabing sila ay “food-poor” o hindi nakakain ng sapat at masusustansiyang pagkaing kailangan ng isang tao (SWS).

Sa kasamaang-palad, sa paghahangad na matugunan ang pangangalam ng tiyan, maging ang mga pagkaing tira-tira at itinapon na sa basurahan ay naisip pang kainin ng iba nating mga kababayan, tulad ng mga suki ni Mang Norbing.

Ang mga tagapili namang katulad nina Connie at Rosy, sa pagpag din kumukuha ng pinagkakakitaan. Hindi nila alintana ang baho at dumi ng mga basurang kanilang hinahakawan araw-araw lalo na’t kung ang itinuturing na basura ng iba ay kayamanan para sa kanila. Sa mga basurang ito umano nagmumula ang panglamang tiyan ng kanilang pamilya.

Tunghayan sa Linggo, ika-19 ng Abril, alas-8 ng gabi kung bakit nga ba walang pinipili ang kumakalam na tiyan sa Reel Time presents "Ulam" sa GMA NewsTV.
 
 

Tags: prstory, reeltime