Filtered By: Newstv
NewsTV

Kanlungan sa Manila Bay




Araw-araw, halos apat na oras sumisisid si Irineo Maestre sa Manila Bay para manguha ng tahong. Dagat ang nagbibigay kabuhayan sa kanya para matustusan ang kanyang pamilya.  At sa loob ng halos isang dekada, ang dagat ding ito ang kumukupkop sa kanyang pamilya.

Palutang-lutang sa gild ng Manila Bay ang balsa ni Irineo.  Mula sa mga pinagtagpi-tagping kawayan, plastik at kahoy, ang balsang ito ang nagsisilbing tahanan niya at ng kanyang dalawang anak.
 

Ang dagat ang naging kanlungan ni Irineo matapos ang walang katapusang pagpapalayas at panghuhuli sa kanila sa bangketa.  Mabuti na raw sa dagat, walang nanghuhuli, wala ring naniningil ng upa.

Ayon sa isang online site, sa mga siyudad sa mundo, ang Metro Manila ang may pinakamalaking populasyon na walang matirhan.

Nasa mahigit 20 milyong tao umano ang walang matirhan o illegal settlers.  Sinundan ang Metro Manila ng New York at Los Angeles ng Amerika.

Kabilang din dito si Romeo Acedera, tubong Northern Samar.  Bunso si Romeo sa limang magkakapatid. Ulila na sa mga magulang, lumuwas si Romeo papuntang Maynila para makipagsapalaran. Ang tangi niyang hanap ay makapag-ipon ng puhunan para sa pangarap niyang itayong tindahan sa Catarman.
 

Labing limang taong gulang siya noon nang manirahan sa kanyang tiyahin sa Maynila. Sa kabila ng kanyang kapansanan, nagpursigi siyang maghanap ng trabaho para makapag-ipon ng puhunan.

Pero nagbago ang lahat ng namatay ang kanyang tiyahin. Napalayas siya sa kanilang tinutuluyan. Naging palaboy si Romeo.

Mabuti na lamang at may nagbigay sa kanya ng isang kariton.  Sa loob ng labing pitong taon, ang kariton na ito ang kanyang naging kanlungan. Patuloy siya ngayong nag-iipon para makauwi sa tunay niyang tahanan.

Hangad natin ang magarbo at malaking bahay, pero para kina Irineo at Romeo, kahit ano, basta bahay.

Ngayong Linggo, titira ka ba sa tahanang walang kasiguraduhan?

Tunghayan ang kwento ng mga taong nanunuluyan sa apat na haligi ng salikmatang “Kanlungan”. Pagsapit ng 8pm sa Linggo, sama-sama tayong uuwi sa tahanan ng mga pelikula ng tooong buhay, Reel Time.