Filtered by: Newstv
NewsTV

'Reel Time' presents 'Kapit sa Daga'



Sa panahong nagigipit, pwedeng sa daga kumapit.
 
Salot. Peste. ‘Yan ang daga para sa karamihan sa atin. Pero para sa ibang tao, may biyayang hatid ang mga dagang pinandidirihan at kinatatakutan…
 
Sa San Vicente, Nueva Ecija, karaniwan nang hanapbuhay ng ilang residente  ang panghuhuli ng dagang-bukid tuwing tag-ulan. Naglalabasan kasi ang mga tinaguriang peste sa palayan tuwing ganitong panahon. Dahil wala ring ibang pagkakakitaan matapos ang paggapas ng mga palay, ang panghuhuli ng daga upang ibenta sa palengke ang pinagkakakitaan ng iba.

 Si Arnold, 27 taong gulang, Grade 6 lamang umano ang tinapos kaya wala siyang ibang mas maganda at permanenteng trabahong mapasukan. Natutunan niya umano ang panghuhuli ng daga mula sa kaniyang ama. Ang hanapbuhay na ito umano ang ipinambuhay ng kaniyang ama sa kanilang magkakapatid kaya naman hindi umano siya nagdalawang-isip na pasukin din ang gawaing ito para naman sa kaniyang pamilya. Pero hindi tulad ng kaniyang naging kapalaran, ayaw umano niyang maging mandadaga rin ang kaniyang mga anak. Kaya naman kahit hinahamak at pinandidirihan ng iba, hindi umano titigil si Arnold sa panghuhuli ng daga kaysa tumunganga lang umano kapag oras na walang trabaho.
 
Samantala sa Olongapo, magkahalong galit at takot ang nararamdaman ng mga residente sa daga dahil sa dala nitong sakit na leptospirosis. Noong nakaraang taon kasi, 11 ang namatay mula sa lungsod dahil sa kamandag ng sakit na ito. Ang ilan tuloy sa mga residente, humuhuli ng daga upang maghiganti. Tulad ni Michael, 35 taon, na namatayan ng nakababatang kapatid sanhi ng leptospirosis. May pabuyang P10 na ibinibigay ang mga taga-Munisipyo ng Olongapo para sa bawat isang dagang mahuhuli ng isang residente bilang bahagi ng kanilang awareness campaign laban sa leptospirosis. Pero si Michael, hindi raw interesado sa pera. Huhuli at papatay umano siya ng daga upang ipaghiganti ang pagkamatay ng kaniyang kapatid.

 Tunghayan ang mga pakikipagsapalaran nina Arnold at Michael ngayong Linggo, Agosto 24, alas otso ng gabi sa Reel Time presents “Kapit sa Daga” sa GMA News TV.