Filtered by: Newstv
NewsTV

'Reel Time' presents: Hiwaga ng Ragay




Ilang dekada na ring palaisipan sa mga taga-Ragay sa Camarines Sur kung talaga nga bang may humigit-kumulang 101 na kuweba sa kanilang bayan.

May ilan pa ngang naniniwala na sa mga butas na ito, nakabaon ang mga yamang iniwan ng mga Hapon sa probinsya ng Camarines Sur. 

Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, sisiyasatin ng lokal na pamahalaan ng Ragay ang mga kuwebang naging saksi sa kasaysayan ng kanilang bayan. Ito raw sana ang magsisilbing susi para makilala ang kanilang bayan ng mga turista.

Pero sa kabila ng magandang balita, may ilang nag-aalinlangan sa napipintong paglago ng turismo rito. Tulad ng mag-amang "Paeng" at "Raffy"—ilang taon na silang nangunguha ng pugad ng balinsasayaw sa mga kuweba. Libo ang kinikita nila, kapalit ang panganib na kinakaharap nila sa tuwing nangunguha ng pugad, pero oras na maipatupad ang proyekto ng pamahalaan, gutom ang maaaring harapin ng kanilang pamilya.

Ano ang kinabukasang naghihintay para sa mag-amang "Paeng" at "Raffy?"

Silipin natin kung ano nga ba ang mga nakatagong sikreto sa pusod ng bayan ng Ragay, ngayong Linggo, 8 p.m. sa GMA News TV Channel 11.