Kamustahin si Mary Rose isang taon matapos ng dokumentaryong ‘Salat’
Ika-29 ng Hulyo 2012 nang ipalabas ng programang “Reel Time” ang dokumentaryong “Salat”. Ipinakita rito ang kalagayan ni Mary Rose, isang batang sampung taong gulang — pero sa kanyang taas, iisipin mong limang taong gulang lamang siya. Sa maliit na kita raw kasi ng kanyang inang si Vina, masuwerte na raw kung makabili sila ng isang pakete ng instant noodles na maiuulam.
Sa Tondo, Maynila nakatira sina Mary Rose. Tanging ang kanyang ina, na kumikita sa pagbabalat ng bawang, ang bumubuhay sa kaniya at sa lima pa niyang mga kapatid.
Grade 3 na si Mary Rose, at ayon sa kanyang guro, nakasusunod naman daw siya sa klase, bagamat nasa below average ang kanyang mga grado sa klase.
Nang ipatingin sina Mary Rose at kanyang mga kapatid sa doktor, nakumpirma na sila ay malnourished at may primary complex, isang impeksyon dulot ng tuberculosis.
Matapos ipalabas ang dokumentaryo, dumagsa ang mga mensahe galing sa netizens sa Facebook page ng “Reel Time.” Marami sa mga mensahe ay mga tanong kung paano magbigay ng tulong kay Mary Rose at sa kanyang pamilya.
Matapos ang mahigit isang taon, ano na kaya ang kalagayan ni Mary Rose?
Sa dokumentaryo, nabanggit ni Mary Rose na pangarap n’yang makakain ng manok. Matapos ipalabas ang episode, sa tulong ng ilang manonood ay natupad na ang kanyang munting pangarap!
Sa tulong naman ng mag-asawang Teen at Bob Walsh, nagkaroon na ng maayos na bahay ang pamilya ni Mary Rose. Nais ng mag-asawa na matutukan ni Nanay Vina ang kanyang mga anak, lalu na ang nutrisyon ng mga ito. Kaya sa halip na bigyan ng trabaho, pansamantalang pinadadalhan ng mga Walsh ang pamilya ni Mary Rose ng pera.
Bago ipalabas ang “Salat”, nadatnan ng “Reel Time” na umiiyak si Mary Rose dahil wala silang sabong pampaligo. Ayaw niya raw kasing pumasok sa eskwela nang hindi naliligo. Bukod pa rito, madalas siyang nahihilo sa klase dahil walang laman ang kanyang tiyan.
Dahil dito, sa tulong ng ilang manonood ay hindi lang sabon at pagkain ang ibinigay kay Mary Rose. Tinutulungan din ng mag-asawang Walsh na mapag-aral si Mary Rose at ang kanyang mga kapatid hanggang kolehiyo.
Ngayong taon, nagdiwang na ng kanyang ika-labing isang taong kaarawan si Mary Rose sa kanilang bagong bahay.
Bukod sa mga nabanggit, mayroon pa ring ibang mabubuting loob na patuloy na tumutulong kay Mary Rose para sa kanyang mga pangangailangan.
Masasabing nabubuhay na nga na parang isang normal na bata si Mary Rose. Nakapaglalaro na rin siya nang hindi pinoproblema ang kanilang kakainin sa pang-araw-araw.
“Maraming salamat po. Habang buhay ko pong matatandaan ‘yung itinulong po nila sa akin,” sambit ni Mary Rose nang balikan siya ng “Reel Time.”
Para sa mga nais pang tumulong kay Mary Rose at sa iba pang nai-feature sa “Reel Time,” maaaring magpadala ng mensahe sa Facebook page o Twitter account ng programa.
Mapapanood ang “Reel Time” tuwing Linggo, 9 PM sa GMA News TV. — Isabelle Laureta/CM, GMA News
Photos courtesy of Michael Cristobal