PHOTO ESSAY: GUROng Katutubo
Paano nga ba isusulat ang tadhana kung hindi alam ang mga kataga?
Kahit ilang bundok at ilog ang kaniyang tahakin, hindi susuko si Teacher Aida Lukina Maniego na tulungan ang kaniyang mga kapwa B’laan ng bayan ng Malita, Davao del Sur na makakuha ng maayos na edukasyon.
Isang mobile teacher si Aida at ang mga bundok ng Malita ang nagsisilbing silid-aralan niya. Siya ang nag-iisang mobile teacher para sa 15 bulubunduking barangay ng bayan ng Malita.
Upang marating ang Sitio Bolo-bolo, ang isa sa 15 bulubunduking barangay na kaniyang dinarayo, walong kilometro ang nilalakad ni Teacher Aida. Tatlong bundok at dalawang ilog din ang kaniyang tinatahak mapuntahan lamang ang mga naghihintay na estudyante.
Bahagi ang pagtuturo ni Teacher Aida ng Alternative Learning System (ALS), isang programa ng Department of Education para sa mga lugar na walang eskwelahan at para sa mga nais makapag-aral pero hindi na maaaring tanggapin sa pormal na paaralan.
Kabilang sa ALS ang matatandang katutubong estudyante ni Aida na hindi nakatapos ng pag-aaral dahil sa kawalan ng pantustos at layo ng paaralan mula sa kanila. Sa katunayan, isa sa bawat limang katutubong B’laan ang hindi makabasa at makasulat.
Abutin man ng gabi, patuloy pa rin ang pagtuturo ni Teacher Aida. Kahit gasera lamang ang nagsisilbing ilaw, tinuturuan niya ang mga kapwa B’laan. At kung magkaroon man siya ng libreng oras, gumagawa siya ng visual aids gamit ang mga lumang kalendaryo upang madaling maintindihan ng mga katutubo ang mga aralin.
Minsan sa isang linggo lamang nakakasama ni Teacher Aida ang kaniyang mga anak. Tuwing nakakauwi, nagsisilbi siya hindi lamang bilang isang ina kung hindi isa ring guro sa kaniyang mga anak. Sinisiguro niya na hindi napapabayaan ng mga anak ang pag-aaral. Kahit pagod mula sa pagbaba ng bundok, tinutulungan niya pa rin ang kaniyang mga anak sa mga assignment nito.
Inspirasyon ni Teacher Aida ang kaniyang nanay na kahit hindi nakapag-aral ay ginawa ang lahat mapag-aral lamang sila. “Awa ng Diyos, naitaguyod niya kami,” kuwento niya. “Madiskarte siya.”
Para sa mga nais tumulong sa adhikain ni Teacher Aida, maaring makipag-ugnayan kay Mr. Eleazar del Rosario, Executive Producer ng “GUROng Katutubo,” sa kaniyang email: eldelrosario@gmail.com
Mapapanood ang “Reel Time” tuwing Linggo, 8:45 PM sa GMA News TV. Sundan ang programa saFacebook at Twitter para sa updates tungkol sa mga bagong episode at mga replay.
—Bernice Sibucao, CM/GMA News