PHOTO ESSAY: Sa Dagat ng Donsol
Sa pakikiisa ng “Reel Time” sa pagdiriwang ng Buwan ng Karagatan noong Mayo, sinubaybayan ng programa ang kuwento ng mga buhay na umaasa sa biyaya ng dagat ng Donsol.
Siyam na magkakapatid sina Pem at tanging sa dagat ng Donsol sila umaasa para maitawid ang araw-araw nilang pagkain. Kaya para sa pangarap niyang makapagtapos at para sa kaniyang pamilya, araw-araw niyang tinutungo ang dagat ng Donsol kasama ang ama para magbanat ng buto at makipagsapalaran para may maihain sa kanilang hapag.
Madaling araw pa lamang, nagsasagwan na papuntang laot si Pem at ang kaniyang amang si Vicente. Maaga nila sinisimulan ang araw. Walang makina ang kanilang bangka kaya inaabot ng tatlong oras ang kanilang biyahe.
Bingwit lamang ang ginagamit nina Vicente at Pem sa pangingisda. Hindi pa nila kayang bumili ng lambat dahil mahal ito — Php 2000 kada pardo.
Kusang bumili ng manok si Pem para may ibang pagkakitaan. Ibebenta niya raw ito kung sakaling tuluyan silang magipit ng pamilya. Bukod sa pag-aalaga ng manok at pangingisda, nanghuhuli rin siya ng hipon at alimango para makaipon ng pambaon sa eskwela.
Hindi na matiyak ni Pem kung ilang taon na ang kaniyang bag na ginagamit sa eskwelahan. Kupas na ang kulay nito at bakas ang mga tahi para matakpan ang mga butas. Sa darating na pasukan, Grade 7 na si Pem at bagong bag at gamit sa eskwelahan ang tangi niyang hiling. Pero dahil sa kahirapan, malabo siyang mabilhan ng kanyang mga magulang ng bagong gamit. Malala pa, dahil sa kawalan ng pera, baka hindi na siya makapagpatuloy ng pag-aaral.
Para sa mga nais tumulong kay Pem, maaring makipag-ugnayan kay Mr. Eleazar del Rosario, Executive Producer ng “Sa Dagat ng Donsol,” sa kaniyang email: eldelrosario@gmail.com
Mapapanood ang “Reel Time” tuwing Linggo, 8:45 PM sa GMA News TV. Sundan ang programa saFacebook at Twitter para sa updates tungkol sa mga bagong episode at mga replay.
—Bernice Sibucao, CM/GMA News