Filtered By: Newstv
NewsTV

Reel Time presents 'Sa Dagat ng Donsol'


Reel Time presents: SA DAGAT NG DONSOL
Airing date: May 26, 2013, Linggo
8:45PM, GMA News TV

Hindi na matiyak ni Pem kung ilang taon na ang kanyang bag na ginagamit sa eskwelahan.  Pero bakas sa kupas nitong kulay, mga butas, at mga tahi na lumang-luma na ito at kinakailangan nang mapalitan.

Sa darating na pasukan, Grade 7 na si Pem at bagong bag at gamit sa eskwelahan ang tangi niyang hiling. Pero dahil sa kahirapan, malabo siyang mabilhan ng kanyang mga magulang ng bagong gamit. Malala pa, dahil sa walang pera, baka hindi na makatuloy pa ng pag-aaral si Pem.

Siyam silang magkakapatid at tanging sa dagat ng Donsol umaasa ang kanyang ama para maitawid ang araw-araw nilang pagkain. Kaya para sa pangarap at para sa kanyang pamilya, araw-araw niyang tinutungo ang dagat ng Donsol para magbanat ng buto at makipagsapalaran ng maihahain sa kanilang hapag.

Mayaman ang karagatan ng Donsol. Katunayan, ipinagmamalaki itong tahanan ng mga butanding o whale shark. Pero maging ang mga butanding, bihira na o halos hindi na nagpapakita. Sa paglipas ng mga taon, paunti na ng paunti ang mga nakikitang butanding sa Donsol. Tuluyan na nga bang nilisan ito ng mga higante ng karagatan?

Tanong ni Pem, nagdadamot ba o wala na talagang maibigay ang dagat? Paano na ang kinakabukasan ng kanyang pamilya at ang kanyang pangarap na naka-angkla sa biyaya ng dagat ng Donsol?

Sa pakikiisa ng Reel Time sa pagdiriwang ng Buwan ng Karagatan ngayong Mayo, tunghayan ang kwento ng mga buhay na umaasa sa biyaya nito. Samahan niyo kaming lumaot at tuklasin ang hinahanap na yaman Sa Dagat ng Donsol, Linggo, 8:45PM sa GMA News TV.