Filtered By: Newstv
NewsTV

Reel Time presents: Abuos


REEL TIME: ABUOS
Airing date: April 21, 2013, Sunday, 9:00 PM




Maliliit, pero kung mangagat, hayup sa sakit.

Kilala ang bayan ng Banna, Ilocos Norte bilang pangunahing pinagkukunan ng abuos. Ang abuos ay salitang Ilokano para sa mga hantik o mga malalaking uri ng langgam na kadalasang sa mga puno naninirahan. Pero hindi ang mga langgam ang kinukuha sa puno ng mga taga Banna, kundi ang mga itlog ng mga abuos. Nagsisilbi itong pangkaraniwang pagkain para sa mga Ilokano at exotic food para sa ilan.

Tuwing sasapit ang tag-init, panahon ito ng pangingitlog ng mga abuos. At dahil sa may kakaibang halaga ang kanilang mga itlog, naghahanda na rin ang mga taga-Banna na makipagtuos sa mga abuos para makuha ang tinaguriang caviar ng Ilocos.

Ito rin ang hanap ng labindalawang taong gulang na si Roderick. Kasama ang kanyang ama, sinusuyod nila ang mga puno sa Banna para makakolekta ng mga pambihirang itlog ng abuos.  Sa panahon ng pangunguha ng itlog ng abuos, umaasa si Roderick na makakadiskarte siya ng pantawid sa pang-araw araw nilang pagkain at pambili ng gamot para sa maysakit na ina. Para sa isang musmos na tulad niya, ito ay mga problemang parang ‘kagat lang ng langgam’.

Larawan si Roderick ng kasipagan at sa kabila rin ng mumunting pangangatawan, hindi niya alintana ang bigat ng kanyang binubuhat. Kaya tulad ng mga abuos, anumang laki ng problema, handa si Roderick na lumaban.

Ngayong Linggo sa Peabody Award winning program na Reel Time, samahan natin si Roderick at iba pang mga umaasa sa biyaya ng abuos. Kakagat ang kwento ng Abuos ngayong linggo, alas 9 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.