ADVERTISEMENT
Filtered By: Newstv
NewsTV

'Reel Time' presents: Gamet


REEL TIME presents

“GAMET”

January 27, 2013 | 8:45 PM, SUNDAY

GMA NEWS TV Channel 11



Sa malakas na pag-ihip ng hanging amihan, animo’y nagngangalit ang mga alon ng karagatan.  Pero para sa mga taga-Burgos, Ilocos Norte, ang ibig sabihin nito’y kabuhayan.  Nagmimistula kasing hardin ng mga gamet ang mga matutulis na batuhang baybayin ng Burgos sa mga ganitong panahon. 

Ang gamet ay salitang Ilokano para sa gulamang-dagat na isang uri ng seaweed.  Kulay man nito’y itim, ‘ginto’ ito kung ituring.

Kadalasang sangkap sa mga pagkaing Hapon ang gamet.  Ang presyo nito ay umaabot ng halos anim na raang piso kada banig.  Kaya para sa mga kumukuha nito, hindi alintana ang panganib alang-alang sa malaking halagang kapalit. 

Bahagi na ng buhay sa Burgos ang pangunguha ng gamet.  Kaya si Liezl, labindalawang taong gulang pa lamang, tumutulong na sa kanyang Lola Aurelia na anim na dekada nang nangunguha ng gamet.  Habang si Lani, bitbit ang kanyang dalawang anak na sina Rey at Reynalyn, sampu at pitong taong gulang, para turuang manguha ng gamet.  Dito sila umaasa para matustusan ang pang-araw araw na gastusin ng kani-kanilang pamilya.  At sa kabila ng kanilang kamusmusan, ramdam na nila ang bigat ng hampas ng alon ng kahirapan.

Kaya para kina Liezl, Rey at Reynalyn, ito ay isang malaking laro ng patintero kung saan ang mga dambuhalang alon ang kanilang mga kalaro.  Gamet ang premyo kapag sila ang nanalo pero buhay ang kapalit kapag sila naman ang natalo. 

Inihahandog ng Reel Time ang Gamet, ang kwento ng mga nagsusugal ng buhay para maitawid ang kanilang mga buhay.  Samahan silang tiisin ang lamig ng hangin at dagat at makipag-patintero sa mga malalakas na alon ngayong Linggo, sa Reel Time, 8:45 ng gabi sa GMA News TV.

Tags: plug