Filtered By: Newstv
NewsTV

Pasmadong kamay: Totoong sakit nga ba ito?


Matagal nang paniniwala sa kulturang Pinoy ang pasma, o ang sakit na nakukuha umano dahil sa biglang pagsala ng katawan sa mainit at malamig na mga gawain. Maraming Pinoy ang naniniwala na ang pasma ang dahilan kung bakit madalas pagpawisan ang palad ng ilan sa atin. Ito rin ang tinuturong dahilan kung bakit madalas nanginginig ang kamay ng ilan.

Pero gaano ba ito katotoo?

Upang bigyang-linaw ang sanhi ng sinasabing pasmadong kamay, kinonsulta ng “Pinoy MD” ang dermatologist na si Dr. Jean Marquez at acupuncturist na si Dr. Harold Trinidad.

Ayon kina Dr. Marquez at Dr. Trinidad, hindi totoong sanhi ng pagpapawis at panginginig ng kamay ang paghugas ng mga kamay pagkatapos ng mga gawain tulad ng paglalaba, pagsusulat, pagluluto, at pagpaplantsa.

Paliwanag ni Dr. Marquez, hyperhidrosis – o ang labis na pagpapawis – ang sanhi ng pagpapawis sa palad. Hereditary o namamana ang kondisyong ito. Matutugunan ang hyperhidrosis sa tulong ng botox injection na nagkakahalagang P5,000 (depende sa dami ng turok). Puwede ring gumamit ng aluminum chloride (P400), isang klase ng deodorant na nabibili sa mga botika.

Para naman sa mga nagtitipid, maaring mabawasan ang pagpapawis ng palad sa tulong ng baking soda. Maglagay ng dalawang tasang baking soda sa maligamgam na tubig at ibabad dito ang mga kamay sa loob ng 10 minuto.

Panginginig ng kamay = pasma?

Para naman sa hand tremors o panginginig ng kamay, hindi raw pasma ang sanhi nito, paliwanag ni Dr. Trinidad. Maaring sanhi ng hand tremors ang labis na pagkapagod ng mga kamay o di kaya’y arthritis. Kapag overworked ang anumang muscle, nagkakaroon ng panginginig.

Payo ni Dr. Trinidad, maaring mabawasan ang hand tremors sa pamamagitan ng paglalagay ng mainit na tubig sa babasaging bote tsaka ilapat dito ang mga kamay. Subukan ding bawasan ang pag-inom ng kape o anumang caffeinated drink. Ugaliin ding ipahinga ang mga kamay.