Filtered By: Newstv
NewsTV

Taal dishes, ihahain sa 'Pinas Sarap'


 


Hashtag throwback thursday ang peg ng ating foodtrip ngayong Huwebes! Dahil sa ating next destination para ka na rin daw nag time travel! Bukod sa mga lumang bahay, napreserba din nila ang mayaman nilang hapag. Samahan si Kara David bisitahin ang ilang bayan sa paligid ng Taal Lake at tikman ang kanilang mga putaheng pinasarap ng panahon.

 

Taong 1987 nang ideklarang heritage town ng National Historical Institute ang bayan ng Taal. Sa pamamasyal kasi dito tila naglalakbay ka sa nakaraan dahil sa mga heritage site na makikita gaya ng Taal Basilica na pinakamatandang simbahang katoliko sa Southeast Asia. Pero bukod sa mga heritage site, naipreserba rin nila ang mga heirloom recipe gaya ng Adobo sa Dilaw. Bersyon nila ito ng adobo na walang toyo. At ang pampalasang kanilang ginagamit, luyang dilaw o turmeric.

 

 

Ilan pa sa ipinagmamalaki nilang pagkain, ang tapang taal at longganisang taal. Kung baka ang nakasanayan nating tapa, karne ng baboy naman ang gamit nila sa tapang taal. Ang kaibahan naman ng kanilang longganisa, imbes na giniling na baboy ay ginayat o hiniwang karne ang kanilang ginagamit.

 

Sa bayan ng Agoncillo, sumama si Kara manghuli ng isdang sa Taal Lake lang makukuha, ang Tawilis. Dumarayo pa ang mga turista sa kanilang lugar dahil sa kakaibang sarap ng maliliit na isdang ito. Ang best seller nitong luto, crispy fried tawilis. Sa bayan naman ng Lemery sinaing na tulingan ang mabili. Sarap to the bones ang dish na ito dahil pati buto ng isda pwedeng kainin. Anim hanggang walong oras kasi itong niluluto.

Huwag palalagpasin ang exciting Taal food adventure sa pinakamasarap na programa sa telebisyon, ang Pinas Sarap ngayong Huwebes 10:15PM sa GMA News TV Channel 11!

Tags: karadavid