Filtered By: Newstv
NewsTV

Awit ng Pasko: a GMA News TV musical documentary




Labing-isang araw bago sumapit ang Pasko, ihahandog ng GMA News TV ang isang natatanging musical documentary na AWIT NG PASKO!  
 
Sa saliw ng mga pam-paskong awiting nagpapasaya at kung minsa’y nagpapaluha sa atin, sabay-sabay nating alalahanin ang tunay na diwa ng paskong Pilipino.
 
Ang nag-iisang Asia’s Songbird na si Ms. Regine Velasquez-Alcasid ang host ng programa at makakasama niya sa paghahandog ng musika ang Gawad Kalinga choir at isang string quartet mula sa UP College of Music.
 
Tampok sa musical performances ang piling-piling Christmas carols na kumakatawan sa apat na aspetong bumubuo sa masayang paskong pinoy: Pagkain, Dekorasyon, Regalo at Pagsasama-sama ng Pamilya.

Makakasama rin sa Awit ng Pasko ang ilang personalidad sa GMA News TV gaya ng mga I-Juander hosts na sina Cesar Apolinario at Susan Enriquez na ibabahagi at ipatitikim ang paborito nilang pagkain tuwing Pasko. Ang Idol sa Kusina namang si Chef Boy Logro, maghahanda ng pagkasarap-sarap na putaheng maaring ihain sa Noche Buena! Magbibigay rin siya ng tips kung paano makakapaghanda ng masarap na Noche Buena kahit kakarampot lang ang budget ng pamilya.  
 
Kakaibang good news naman ang hatid nina Love Añover at Bea Binene sa mga batang survivors ng super bagyong Yolanda. May dalang munting regalo sina Love at Bea na tiyak na magpapangiti sa mga chikiting.
 
Sisilipin din sa espesyal na programang ito ang ang mga parol at belen na metikulusong ginagawa sa Pamapanga at Tarlac, ipapakita rin ang mga simpleng pasyalan sa Metro Manila na punong –puno ng maniningning na ilaw at dekorasyon.  
 
Abangan din sa Awit ng Pasko ang kwento ng isang OFW mula Saudi, na uuwi sa Pilipinas para sorpresahin ang kanyang pamilya, at isang mag-anak na matagal nang nagkawatak-watak ngunit susubuking magsama-sama muli para isang maagang Noche Buena.

Mga awitin at kwentong may puso ng pasko sa Awit ng Pasko! Abangan sa December 14, Sabado, 8 PM sa GMA News TV!