Panay island escapade, babalikan sa 'Motorcycle Diaries'
Ngayong huwebes, muling lilibutin ni Jay ang mga probinsiya ng Iloilo, Aklan, Capiz at Antique na bumubuo sa isla ng Panay, para tikman ang nagsasarapan nilang pagkain, bisitahin ang ipinagmamalaki nilang pasyalan at kilalanin ang mga natatangi nating kababayan.
Hindi raw makukumpleto ang pagpasyal sa Panay kung walang foodtrip. Kaya naman dinayo ni Jay ang tinaguriang “Seafood Capital of the Philippines,” ang Roxas City sa Panay dahil dito matitikman ang iba’t ibang klase ng lamang dagat gaya ng talaba, pusit, alimango at iba pang isda. Mga Tatus o mga higanteng coconut crabs naman ang specialty sa isla ng Caluya, habang sa Iloilo binabalik-balikan naman ang sarap ng mainit na sabaw ng La Paz Batchoy at Pancit Molo.
Matapos busugin ang inyong mga tiyan, bubusugin naman ni Jay ang inyong kamalayan sa pagtatampok ng buhay ng mga kahanga-hangang Ilonggo gaya ni Lloyd. Hindi hadlang ang kanyang polio para mailabas niya ang kanyang talento sa pagsasayaw, lalo na sa breakdancing!
Ang ilan naman nating mga kababayan, kakambal ng kanilang trabaho ang peligro. Handa silang sisirin ang kailaliman ng dagat para mangisda at manguha ng lamang-dagat o kaya naman ay akyatin ang kabundukan para magtibag ng marmol, maabot lang ang kanilang pangarap.
Angkas na sa Panay Expedition ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV Channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!