Health workers sa bundok ng Sarangani, kikilalanin sa 'Motorcycle Diaries'
#MDKaposNaKalinga
Motorcycle Diaries– Health Special
June 23, 2016
Ngayong Huwebes, samahan si Jay Taruc para kilalanin ang mga makabagong bayani ng Sarangani! Sila ang mga health worker na walang pagod umakyat ng mga bundok at tumawid ng mga ilog makapagbigay lang ng serbisyong medikal sa mga residenteng naninirahan sa itaas ng bundok.
Dalawamput walong ilog ang kailangang tawirin at anim na oras ang kailangang lakarin paakyat ng bundok bago marating ang komunidad ng mga katutubong B’laan – ang Sitio Lanao. Kalbaryo man ang pagpunta sa sitio, sinisikap pa rin ng midwife na si Baiha ang makapunta rito para matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga B’laan. Pero dahil sa layo ng sitio, dalawang beses sa isang taon lang naka-aakyat dito si Baiha.
Sa muling pag-akyat ni Baiha sa Sitio Lanao, inabutan niya ang kalunus-lunos na kalagayan ng otso anyos na batang si Ramil. Putlang-putla ito at hindi na makabangon. Isang buwan na rin itong nilalagnat. Para mabilis na maibaba ng bundok ang bata, ang kabayo ang nagsisilbing ambulansya ng mga katutubo. Malubha na rin ang kondisyon ng labing isang buwang gulang na sanggol na si Barbie. Hinang hina ang buto’t balat na pangangatawan ng sanggol.
Hindi rin nalalayo ang kalagayan ng mga katutubong T’boli sa Barangay Batian sa bayan ng Maitum. Dahil sa layo sa mga ospital at health center, tinitiis na lang ng mga katutubo ang hirap bunsod ng kanilang karamdaman. Sa tuwing umaakyat lamang sa kanilang komunidad sa bundok ang kumadronang si Marky, natitignan ang sakit ng mga katutubo. Bagamat mga buntis na pasyente ang kinakamusta ni Marky, madalas siya na rin ang tumatayong doktor dahil sa kanya komukonsulta ng kanilang mga sakit ang mga katutubo. Dahil limitado lamang ang kanyang kaalaman, pinapayuhan niya ang mga pasyenteng bumaba at magpasuri sa mga doktor sa bayan.
Sa pagbisita ni Marky sa sitio Gawan, isama niya pababa ng bayan ang buntis na pasyenteng si Shiela. Maselan kasi ang pagdadalantao nito at malapit na ring manganak. Dahil walang ambulansya, bababa sila sakay ng habal-habal.
Angkas na at samahan si Jay kamustahin ang kalunus lunos na sitwasyon ng serbisyong pangkalusugan sa mga malalayong komunidad sa kanayunan ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11 sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries: Live the Ride!