Filtered By: Newstv
NewsTV

Huling bahagi ng Catanduanes road trip ng 'Motorcycle Diaries,' mapapanood ngayong Huwebes


#MDCatanduanes2
Motorcycle Diaries
June 09, 2016


Sa huling yugto ng ating Catanduanes Expedition, tuluy-tuloy pa rin ang pamamasyal at pagtuklas natin sa tinaguriang “Land of the Howling Winds!”

Ang kuwento ng isang pamilya na sama-samang nangingisda para matustusan ang pag-aaral ng kanilang panganay. Tuwing umaga, lumalaot si Tatay Henry kasama ang asawa at tatlong anak na babae para mangisda. Pero dahil maliit lang ang kanilang bangka, ang mag-asawa lang ang kayang isakay nito, kaya ang mga bata lumalangoy mula pampang hanggang makarating sa kanilang pangingisdaan. Sa tuwing lumalangoy ang mga bata sa dagat, panalangin nila na huwag lumaki ang alon. Pagdating sa kanilang puwesto, inilalatag na ni tatay Henry at ng kanyang asawa ang lambat habang ang mga bata naman ay lumalangoy at sumisisid para bugwain ang mga isda patungo sa lambat.

Nakangangalay man ang walang tigil na paglangoy at hirap man silang huminga sa ilalim ng dagat, balewala sa magkakapatid ang peligro. Maaga silang nagsisimula para makadami ng huli ng isda dahil bukod kasi sa pangkain ng pamilya, layunin nilang makabenta ng isda para makaipon ng perang ipapadala sa kanilang panganay na kapatid na si Reymart na nag-aaral sa Maynila ng kursong automotive. Lahat ng sakripisyo ay handa nilang gawin masuportahan lamang ang pag-aaral ng kapatid. Umaasa kasi silang kapag nakapagtapos na si Reymart ay makakaahon na rin sila sa kahirapan.

Hindi rin naming pinalagpas ang food trip sa Catanduanes ng iba’t ibang masasarap na crab recipes. Pero bago pala ito maihain sa hapag, ilang Catandunganon muna ang nagsasakripisyong manghuli nito.

Araw-araw lumulusong si Ronel sa maruming ilog para suyurin ang burak sa ilalim nito sa pag-asang may makukuhang kuto-kuto o semilya ng alimango. Mabaho man ang tubig na kanyang binababaran, at nanakit man ang kanyang likuran, hindi niya ito pansin makaipon lamang ng walumpung kuto-kuto. Bawat kuto-kuto kasi ay naibebenta niya ng dalawang piso. Ipinambibili naman niya ito ng bigas para may makain sila ng kanyang Lola Precila. Siya na lamang kasi ang inaasahan ng matandang nag-aruga sa kanya mula pa noong bata siya.

Huwag bibitiw sa huling yugto ng Catanduanes Expedition ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11 sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries: Live the Ride!

Tags: plug