Iba't ibang kuwento ng pag-ibig ng mga rider, bibida sa 'Motorcycle Diaries'
Ika nga nila, ang tunay na pag-ibig hindi hinog sa pilit. Dumarating ito sa tamang panahon. Ngayong Huwebes tunghayan natin ang mga kuwentong pag-ibig na nabuo at pinatibay ng pagmomotorsiklo.
Araw ng mga Puso nang maging magkasintahan ang riding couple na sina Erwin at Pauline. Sa isang dekada nilang pagsasama bilang mag-asawa, ilang pagsubok na ang kanilang nalagpasan na nag-ugat sa labintatlong taong agwat ng kanilang edad. Disi-siete anyos lang noon si Pauline nang maging nobya ng trenta’y uno anyos na si Erwin. Sa kabila ng mga pagsubok, naniniwala sila na mayroong “forever” sa pag-ibig pero dapat daw itong pinagsisikapan. Sa darating na ikasampung taong anibersaryo nilang mag-asawa, ano kayang surpresa ang inihanda ni Erwin?
Kung bulag ngang matatawag ang pag-ibig, marahil dahil wala itong kinikilalang balakid, mapa-edad man, distansya, o lahi. Patunay rito ang kwento nang pag-ibig ng Hapon na si Tsukasa at Pinay na si Mary Ann. Bente dos anyos lang si Mary Ann nang ikasal siya sa noo’y kwarent’y kuwatro anyos na si Tsukasa noong taong 2005. Pero higit sa malaking agwat ng kanilang edad, tila naging mas malaking pagsubok sa kanilang pagsasama ang magkaiba nilang kultura. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, may isang bagay silang pinagkakasunduan – ang pagmomotorsiklo! Kaya sa tuwing meron silang hindi pagkakaunawaan, bumibiyahe sila para maibsan ang tampuhan hanggang sa sila’y magkasundo
Pagmomotorsiklo din ang nagpatibay sa samahan nina Ariel at Rizza. Mahigit isang taon pa lang silang magkasintahan pero marami na silang lugar na napasyalan. Dahil sa kanilang mga pinagdaanan, kilalang kilala na raw nila ang bawat isa. Ngayong nalalapit na ang araw ng mga puso, isang surpresa ang inihanda ni Ariel. Sisimulan na nila ang pagbagtas sa kanilang “road to forever.” Pero sa gitna ng biyahe, nagka-aberya sila sa daan. Matuloy pa kaya ang biyahe nila sa kanilang “road to forever” o dito na magtatapos ang kwento ng kanilang pag-iibigan?
Angkas na sa biyahe ng pag-ibig ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11 sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries: Live the Ride!