Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga munting inspirasyon, kikilalanin ni Jay Taruc sa "Motorcycle Diaries"




Ang maitim, marumi at mabahong  tubig malapit sa Navotas Fishport  ang nakilalang palaruan  ng mga batang sina Annabelle at Lyka. Pero hindi paglalaro ang araw araw nilang pakay rito, sa mura nilang edad sinisisid nila   ang maruming tubig para manguha ng tahong  na kanilang ikinabubuhay.



Sa murang edad, pinapasan na ng diyes anyos na si Lyka ang mabigat na responsibilidad ng pag-aalaga sa kanyang mga kapatid.  Mula ng iwan sila ng kanyang ina, tumigil na  ang onse anyos  si Annabelle sa pag-aaral para magbanat ng buto at magkaroon ng ekstrang   kita  para makakain silang mag ama.



Sa Barangay Maamot sa bayan ng San Jose sa Tarlac naman nakilala ni Jay ang kahanga-hangang batang si Gil. Hindi man normal ang pagkahubog ng kanyang mga kamay at paa, hindi ito naging hadlang para sa dose anyos na bata na tumulong sa magulang. Tuwing Sabado at Linggo, umaakyat siya ng bundok para magsibak ng kahoy na kanyang ginagawang uling.



Malaking pagsubok ang mahabang lakarin sa madulas at mabatong daan dahil hindi nakapagsusuot ng tsinelas o anumang sapin sa paa si Gil.  Sa kabila kasi ng kapansanan ay mababakas kay Gil ang masidhing determinasyon na maabot ang kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at maging abugado balang araw. 



Tunghayan ang kuwento ng mga paslit na ilugmok man ng kahirapan at kapansanan, nagliliyab pa rin ang determinasyon na maabot ang kanilang mga pangarap sa 2015  New York Festivals Bronze World Medalist- Motorcycle Diaries ngayong Huwebes 10 PM sa GMA News TV channel 11!